Kapalpakan ng GCash iimbestigahan ng Kamara

Ni NOEL ABUEL

Iimbestigahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nangyaring hindi awtorisadong transaksyon sa mobile wallet service GCash kahapon na nakaapekto sa maraming users nito.

Sa House Resolution No. 963 na inihain ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera, hindi katanggap-tanggap na marami ang nawalan ng pera ang mga GCash users.

“It is the duty of Congress to protect the interests and welfare of the Filipino people and ensure that digital platforms like GCash operate within the bounds of the law,” ani Herrera.

Noong Mayo 9, nakaranas ang ilang GCash users ng hindi awtorisadong pagbabawas sa kanilang mga account, na nagdulot ng pinsala sa pananalapi at abala.

Ang GCash, isang financial application operated na pinamamahalaan ng G-Xchange Inc., ay isang malawakang ginagamit na serbisyo ng digital wallet sa Pilipinas, na may mahigit 79 milyong rehistradong users na umaasa sa platform para sa iba’t ibang financial transactions.

Ibinunyag ni Herrera, na isa rin sa mga gumagamit ng GCash, naapektuhan din ito ng hindi awtorisadong transaksyon.

Humingi ng paumanhin ang GCash para sa pansamantalang problema at tiniyak sa mga users na ligtas ang kanilang mga pondo.

Gayunpaman, sinabi ni Herrera na ang lawak ng hindi awtorisadong pagbabawas sa halaga at ang bilang ng mga accounts na naapektuhan ay hindi isiniwalat ng G-Xchange Inc.

Sinabi nito na ang mga hindi awtorisadong pagbabawas mula sa mga GCash account ay sinasabing inilipat sa mga account sa ilalim ng East West Banking Corp., na nagpasimula ng sarili nitong internal investigation at nakikipagtulungan sa mga awtoridad at iba pang institusyong sangkot sa usapin.

Hinimok ni Herrera ang nararapat na komite ng Kamara na imbitahan ang mga opisyal ng GCash, G-Xchange Inc., Mynt, Globe Telecom Inc., Ayala Corp., at Ant Financial na magbigay ng paliwanag sa pangyayari at maging ang kanilang mga plano upang matugunan ang isyu at maiwasan na maulit ito.

Nais din nito na ang Kamara na kunin ang pananaw at rekomendasyon ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno, tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Trade and Industry, at National Privacy Commission, sa usapin at sa kanilang mga plano na i-regulate ang mga digital payment platform sa maiwasan ang mga katulad na insidente sa hinaharap.

Binigyan-diin din ng beteranong mambabatas ang pangangailangang galugarin ang mga panukalang batas na magpapalakas sa mga pananggalang at proteksyon para sa mga gumagamit ng GCash at iba pang gumagamit ng digital payment platform laban sa mga hindi awtorisadong pagbabawas at iba pang anyo ng pandaraya o pang-aabuso.

“We must ensure that the rights and interests of the affected GCash users are adequately protected and that they receive appropriate compensation for any financial losses or damages incurred as a result of the unauthorized deductions,” sabi ni Herrera.

Dapat aniyang hilingin ng Kamara sa GCash at ang parent company nitong Mynt na magsumite ng mga regular na ulat sa Kongreso tungkol sa pag-usad ng kanilang imbestigasyon at ang mga hakbang na kanilang ginawa upang matugunan ang isyu at maiwasan ang pag-ulit nito.

Ang GCash ay subsidiary ng Mynt (Globe Fintech Innovations Inc.), na partnership sa pagitan ng Globe Telecom Inc., ang Ayala Corp., at Ant Financial, na affiliate company ng Chinese conglomerate Alibaba Group na nagmamay-ari ng pinakamalaking mobile payment platform sa buong mundo na Alipay.

Leave a comment