
Ni NOEL ABUEL
Pinaiimbestigahan ng isang kongresista ang plano ng Department of Agriculture (DA) na paggamit sa BioFertilizer sa pamamagitan ng paglalaan ng mahigit P2.5 bilyon.
“I would like us, the Philippines, to be careful in the expenditure of these kinds of monies to purchase something which is not sure to benefit our farmers,” pahayag ni Pangasinan 2nd District Rep. Mark Cojuangco.
Sa pagbabalik ng mga kongresista sa Batasan Complex, sa kanyang privilege speech sinabi ni Cojuangco na nababahala ito ukol sa Memorandum Order 32 ng DA.
Ang nasabing memorandum na nilagdaan ni Undersecretary for Rice Industry Development Leocadio Sebastian ay layong itulak ang paggamit sa BioFertilizer sa pamamagitan ng paglalaan ng mahigit P2.5 bilyon.
Binanggit din ni Cojuangco ang mga fertilizer fund scam sa mga nagdaang administrasyon na kadikit ng BioFertilizer.
Aniya, palaisipan dito kung ito ba ay karagdagan lamang o itinuturing nang pamalit ng DA para sa mga ibinibigay nitong tulong sa mga magsasaka sa bansa.
Binigyan-diin nito na kinakailangang maghigpit sa pag-iingat ang gobyerno bago isulong ito kung saan hindi umano biro ang laki ng halagang nais gamitin ng DA para sa BioFertilizer na nagkakahalaga ng P6,000.00 per pack at batay sa Invitation to Bid ng DA-Region I sa PhilGeps para sa “Supply and Delivery of 1,000 packs of Microbial-based BioFertilizer,” ito ay tinatayang magkakahalaga ng P6 milyon.
Ayon kay Cong. Cojuangco, sa halip na BioFertilizer, maaaring bumalik ang DA sa paggamit ng Urea Fertilizer na bumababa na ang presyo sa kasalukuyang P1,230 per bag mula sa P2,500 per bag.
Dagdag pa nito, higit na mababa ang nitrogen content ng BioFertilizer (1%) kumpara sa Urea (46%), kung kaya’t kinakailangang tumbasan ng BioFertilizer na nagkakahalaga ng P5.52 milyon ang sustansyang mayroon ang isang sako ng Urea na nagkakahalaga lang ng P2,460 (100kgs).
Bukod pa rito, nababahala ang kongresista sa negatibong epekto sa productivity ng palay kung BioFertilizer sa halip na Urea ang gagamitin ng DA.
“At only 1 ton marginal palay production per hectare, 2.5 Billion pesos represents more than 2 million bags of urea and 2M lost tons of palay production for that crop,” giit pa nito.
Inihalimbawa ng mambabatas ang karanasan ng bansang Sri Lanka nang ipinagbawal ang paggamit ng synthetic fertilizers at pesticides ng kanilang presidente noong 2021 na naging sanhi ng pagbagsak ng produksyon ng palay ng 20% sa loob lamang ng anim na buwan.
Kaya naman hinimok ni Cojuangco ang Kamara na magkaroon ng pagdinig para mausisang mabuti at mapag-aralan ang planong ito ng DA at isaalang-alang ang ikabubuti ng agrikultura at mga magsasaka.
“With that I would like to warn Congress, the Senate, our People, regarding this very serious matter,” panawagan pa ng kongresista.