
Ni NOEL ABUEL
Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagtatakda ng 350 hanggang 488 na porsyento na pagtaas sa disability pension ng mga beterano at kanilang mga benepisyaryo.
Walang tumutol sa panukala ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada sa Senate Bill No. 1480 na layong i-upgrade ang buwanang pensyon ng mga beteranong na-disabled bunsod ng pagkakasakit, pagkakasugat o pinsalang natamo habang sila ay nasa tungkulin.
“Sa totoo lang, matagal nang dapat naisabatas ang panukalang ito. Matagal nang naghihintay ang ating mga beterano na may kapansanan at nasugatan sa tungkulin na ma-update ang kanilang buwanang disability pension na nanatili ang rates sa loob ng 29 na taon,” ani Ejercito, chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security.
“Ang pagsasabatas nito ay isang paraan ng pagpupugay sa ating mga beteranong sundalo na naglingkod at nagtanggol sa bansa noong kanilang kalakasan, at ngayon, sa kanilang pagtanda, masisiguro na mabibigyan sila at kanilang pamilya ng sapat na benepisyo at tulong,” dagdag pa nito.
Sa ilalim ng SB 1480 o ang iminungkahing batas na Rationalizing the Disability Pension of Veterans, ang base rate ng disability pension ay itataas sa P4,500 mula sa kasalukuyang natatanggap na P1,000. Ito ay may katumbas na pagtaas na 350%.
Halimbawa na lamang ang mga kasalukuyang tumatanggap ng buwanang disability pension na P1,200; P1,300; P1,400; P1,500; at P1,600 ay magiging P6,100; P6,900; P7,700; P8,500, at P9,300 na, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, ang kasalukuyang P1,700 na buwanang pensyon na may pinakamataas na disability rating ay magiging P10,000 at ito ay may pagtaas na P8,300 o katumbas ng 488%.
Ang P500 na buwanang pensyon para sa asawa at mga menor de edad na anak ay gagawin na ring P1,000.
Kinilala ni Estrada ang mga kontribusyon ni Senador Sonny Angara, chairperson ng Committee on Finance sa pagbalangkas ng panukala, maging ang kanyang mga kapwa may-akda na sina Majority Leader at Senador Joel Villanueva, Senate President Pro Tempore Sen. Loren Legarda, Sen. Lito Lapid, Sen. Cynthia Villar, at ang kanyang mga committee vice chairpersons na sina Senador Francis Tolentino, Christopher Go, Ramon Bong Revilla Jr., Ronald dela Rosa, at Robin Padilla.
Binanggit din nito si Minority Leader Sen. Aquilino Pimentel III na aniya’y katuwang sa pagsasaayos ng probisyon ng panukalang batas.
