
Ni NOEL ABUEL
Pinaiimbestigahan ni Senador Win Gatchalian ang problema sa power transmission system ng bansa upang matiyak ang tuluy-tuloy na supply ng kuryente.I
Inihain ni Gatchalian, vice chairman ng Senate Committee on Energy, ang Senate Resolution No. 607 na naglalayong imbestigahan ang tinatawag na electric transmission system disturbances.”
Ang sunud-sunod na transmission system disturbances ay nagdulot ng abala sa mga komunidad at pagkalugi sa mga negosyo. Ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) bilang operator ng transmission system sa bansa ay dapat panagutin dahil sa sitwasyong ito,” sabi ni Gatchalian.
Noong Mayo 8, nag-anunsiyo ang NGCP ng red at yellow alert sa Luzon grid dahil sa aberya sa Bolo-Masinloc 230kV Line 2, na humantong sa pagpalya ng dalawang unit ng Masinloc Coal Power Plant na siyang naging daan naman para mawala ang 659 megawatts (MW) na kuryente sa Luzon grid na nagdulot ng power interruption sa Luzon.
Sa Meralco franchise area halimbawa, mahigit 300,000 mga kostumer sa Paco at Sta. Mesa sa Maynila, Caloocan, Malabon, Batangas, Antipolo sa Rizal, San Pedro at Biñan sa Laguna, at San Rafael at Pulilan sa Bulacan ang apektado.
At noong Mayo 9, iniulat ng Meralco ang pagkawala ng supply ng kuryente dahil sa temporary system imbalance sanhi ng biglaang pagpalya ng planta.
Ayon sa Meralco, ang naging aberya sa supply ng kuryente ay dulot ng humigit-kumulang na 290 MW automatic load dropping (ALD) bilang resulta ng pagpalya ng Duhat-Hermosa 290kV line.
Sinabi ni Gatchalian na iniulat ng NGCP noong Abril 27 ang system disturbance sa Visayas grid, na nagdulot ng pagkawala ng 322.3 MW at mga power interruption na nanatili hanggang Abril 30 at tumagal ng hanggang 12 oras sa mga isla ng Panay, Guimaras, at Negros, na nakakaapekto sa higit 1.5 milyong mga kabahayan.
Dagdag pa ng senador, ang NGCP ay may mandato sa ilalim ng Section 3 ng Republic Act No.9511 na patakbuhin at panatilihin ang transmission system, grid, at mga kaugnay na pasilidad sa lahat ng oras alinsunod sa mga pamantayan ng industriya.