
Ni NOEL ABUEL
Isinusulong ng isang senador ang pagkakaloob ng mas malaking kompensasyon sa mga biktima ng unjust imprisonment at pag-amiyenda sa Republic Act 7309 na bumuo ng Board of Claims sa ilalim ng Department of Justice (DOJ) tatlong dekada na ang nakalipas.
Ayon kay Senador Chiz Escudero, na naghain ng panukala noong nakaraang taon, umaasa ito sa tatlong komite ng Senado, ang Justice and Human Rights; Social Justice
Welfare and Human Rights; at Finance para aprubahan ang Senate Bill no. 884.
“The compensation provided, as well as the funds allocated, since its creation in 1992 have remained the same and thus proved insufficient as proper compensation at present times,” giit ni Escudero.
“The law is already 31 years old. Ang halaga ng mga kompensasyon na nakasaad sa batas na ito ay hindi na makatarungan para sa mga biktima sa kasalukuyang panahon,” dagdag pa nito.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ng Bicolano senator na ang mga biktima ng hindi makatarungang pagkakakulong ay maaaring humingi ng iba pang legal na remedyo para makamit ang hustisya sa maraming taon na pagkakakulong at maaaring mapakinabangan ang inaalok na kabayaran sa ilalim ng RA 7309.
“Kapag ikaw ay wrongfully imprisoned na mapapatunayan at na-acquit, may
kompensasyong ibabayad sa ‘yo ang gobyerno. Hindi nga lang siyempre
katumbas ng malaking sweldo na sana’y kinita mo, hindi katumbas ng sana’y malaking kita kung ikaw ay nagnenegosyo, pero mayroon tayong batas na ganoon,” ani Escudero.
“The current bill that I filed intends to increase the compensation amount. Hindi sapat pero at least, maamiyendahan ang isang mahigit tatlong dekadang batas,” sabi nito.
Ayon kay Escudero, ang kanyang panukalang batas ay naglalayon na makatwirang bayaran, hindi bababa sa naaayong, ang mga pagkalugi na dinanas ng mga biktima sa pamamagitan ng pagtaas ng kabayaran ng hindi makatarungang pagkakulong o detensyon at mga biktima ng marahas na krimen na pinahintulutan sa ilalim ng RA 7309.
Nilalayon din ng SB 884 na dagdagan ang taunang pagpopondo at alokasyon para sa Victims Compensation Fund na pinamamahalaan ng BOC, na nagbibigay ng kabayaran sa mga biktima ng maling pagkakulong at marahas na krimen kasunod ng pagpapawalang-sala ng trial court para sa mga diumano’y mga pagkakasala kung saan sila ay maling kinasuhan.
Sakaling maging batas, ang mga biktima ay makakatanggap ng P10,000 kada buwan ng pagkakakulong mula sa kasalukuyang P1,000.
Sa lahat ng iba pang mga kaso, nakasaad sa panukalang batas na ang maximum na halaga kung saan maaaring aprubahan ng BOC ay itinaas mula P10,000 hanggang P50,000 o ang halagang kinakailangan upang maibalik sa naghahabol ang mga gastos na natamo para sa ospital, pagpapagamot, pagkawala ng sahod, pagkawala ng suporta o iba pang mga gastos na direktang nauugnay sa pinsala, alinman ang mas mataas nang walang pagkiling sa karapatan ng naghahabol na humingi ng iba pang mga remedyo sa ilalim ng mga umiiral na batas.
