
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Ramon Bong Revilla Jr. sa mga local government units (LGUs) na tumulong para sa pagpapatupad ng infrastructure development ng bansa.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Works kung saan chairman si Revilla, pinangunahan nito ang deliberasyon sa mahahalagang local bills na magiging daan tungo sa road conversion, renaming of roads, at pagbubuo ng district engineering offices sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Palagi akong nakasuporta sa mga road conversion bills. Noong pa man na naging chairperson ako ng Committee on Public Works sa aking unang termino, marami na tayong naipasang mga ganitong panukala” saad ni Revilla.
Idinagdag pa ni Revilla na ang road conversion ay malaking tulong sa pag-unlad ng bawat LGUs tungo sa kanilang ekonomiya dahil sa bibilis ang serbisyo kaya kaugnay nito ay ipinasa ng komite ang batas na magko-convert sa ilang kalsada sa lalawigan ng Romblon na maging national roads.
“These roads represent the windows and doors through which our people are given access to vital goods and services,” aniya.
Tinalakay rin ng naturang komite ang ilang batas na naglalayong palitan ang pangalan ng Agham Road sa Quezon City na maging Senator Miriam P. Defensor-Santiago Avenue bilang pagbibigay-pugay sa husay nito bilang isang mambabatas.
“Ang atin pong ginagawang pagbibigay ng bagong pangalan sa mga kalsada at tulay ay pagtanaw natin ng utang na loob sa mga nag-ambag sa ating kasaysayan upang hindi natin sila makalimutan, lalo na ‘yung bunga ng kanilang paghihirap na ngayon ay maayos nating tinatamasa,” paliwanag ni Revilla.
Isinunod din ni Revilla ang paghimay sa kahalagahan ng pagbubuo ng mas maraming district engineering offices (DEOs) sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.
“Ang pagdadagdag naman ng mga DEOs ay malaking hakbangin upang mapalapit ang serbisyo sa publiko at mapabilis ang ugnayan pagdating sa infrastructure development,” sabi pa ni Revila.