DOH at DBM kinalampag sa pagpapalabas ng Covid-19 allowances ng HCWs

NI NOEL ABUEL

Umapela ang isang kongresista sa Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM) na madaliin ang pagpapalabas ng Covid-19 allowances ng nasa 20,000 healthcare workers (HCWs) na matagal nang hindi naipagkakaloob.

Ayon kay Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, ikinalulungkot nito na patuloy na nababalam ang pagkakaloob ng Covid-19 allowances sa mga medical frontliners na humarap sa pananalasa ng nasabing sakit.

 “It is our hope that the Departments of Health (DOH) and of Budget and Management (DBM) would manage to scour the national budget for funds and tweak budgetary procedures to finally release almost P2 billion in delayed allowances due an estimated 20,000-plus medical frontliners,” sabi ni Villafuerte, isa sa may-akda ng Republic Act (RA) 11712 na nagbibigay ng dagdag na bayad sa mga HCWs.

Inihalimbawa nito ang ulat ng United Private Hospital Unions of the Philippines (UPHUP) na nasa 20,304 HCWs ang hindi pa nakakatanggap ng Covid-19 allowances at iba pang benepisyo na aabot sa P1.94 bilyon mula Oktubre 2021.    

Ayon pa sa UPHUP umaabot sa P1.84 bilyon na binubuo ng One Covid-19 allowance (OCA) na nagkakahalaga ng P985.6 milyon; P737.5 milyong halaga ng health emergency allowance (HEA); special risk allowance (SRA) na nasa P16.8 milyon; at meals, accommodation and transportation (MAT) benefits na aabot sa P6.7 milyon.

Ang mga HCW-beneficiaries ay nagtatrabaho sa 23 private hospitals sa Metro Manila at sa mga lalawigan ng  Batangas, Cavite, Cebu at Davao del Sur.

Sinabi pa ni Villafuerte na isa sa tinututukan ng DOH para mapabilis ang pagpapalabas ng Covid-19 allowances at iba pang benespisyo para sa HCWs ay amiyendahan ang joint administrative order sa  DBM sa pamamagitan ng pag-tap sa mga awtorisadong government depository banks na ayusin ang pagbabayad ng OCA at iba pang benepisyo  sa mga medical frontliners.

Sa datos ng DOH data, sinabi ng UPHUP na P26.9 bilyon o 64% ng P41.9 bilyon na isinantabi sa ilalim ng  2023 General Appropriations Act (GAA) ang naipalabas ng pamahalaan.

Sa ilalim ng RA 11712, ang mga HCWs ay makakatanggap ng buwanang HEA na katumbas ng P3,000 sa healthworkers sa mga low-risk areas; P6,000 sa mga moderate-risk areas; at P9,000 para sa medial frontliners sa high-risk places.

Leave a comment