
NI NERIO AGUAS
Aabot sa 60 dating miyembro ng rebeldeng grupo ang nakatanggap ng community-based package of assistance na nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Nabatid na ang emergency employment sa mga dating rebelde na piniling mamuhay ng mapayapa ay ipinagkaloob ng DOLE sa Western Visayas bilang suporta sa Executive Order No. 70 na naglalayong wakasan ang armadong tunggalian sa lokalidad at isulong ang kapayapaan sa kanayunan.
Sa pamamagitan ng Negros Occidental Field Office, ang mga dating rebelde mula sa Barangay Buenavista, Carabalan, San Antonio, at Mahalang, sa Himamaylan City, Negros Occidental ang nakatanggap ng tulong.
Humingi ng tulong-pinansiyal ang mga benepisyaryo mula sa mga lokal na awtoridad, na siya namang humiling sa DOLE na ipatupad ang programang TUPAD kung saan tumanggap ang bawat benepisyaryo ng P4,500 suweldo para sa sampung araw na community service sa kani-kanilang lokalidad noong nakalipas na buwan ng Abril ng taong ito.
Binigyan-diin ni Regional Director Atty. Sixto T. Rodriguez, Jr. na ang tulong na trabaho ay hindi lamang upang bigyan ang mga ito ng suportang pinansyal kundi upang mas patatagin ang kanilang pagtitiwala sa pamahalaan.
Upang matiyak ang ligtas na kondisyon sa paggawa, binigyan ang mga benepisyaryo ng personal protective equipment (PPE) at Group Personal Accident Insurance (GPAI) ng Government Service Insurance System (GSIS) para sa kanilang insurance coverage.