
NI NERIO AGUAS
Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na nakauwi na ng bansa ang 9 na kababaihan na pawang biktima ng human trafficking mula Malaysia at Thailand.
Nabatid na nasagip ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga biktima at nakauwi na noong nakalipas na Mayo 9 at Mayo 11 sa tulong ng mga opisyales ng Philippine embassy sa Kuala Lumpur.
Nabatid na nakaalis ng bansa ang mga biktima noong huling bahagi ng 2022 bilang turista at pinangakuan ng kanilang recruiters na nakilala lamang sa Facebook na magtatrabaho bilang customer service kapalit ng suweldong P40,000 hanggang P60,000.
“Like other cases of human trafficking in the Southeast Asian region, the victims were transported to Mae Sot City, Myanmar to be forced to work in online love scams and crypto rings,” sabi ni BI Commissioner Norman Tansingco.
Sa naging pahayag ng anim sa mga biktima, nakaranas ang mga ito ng physical torture sa tuwing hindi maabot ang quota kung saan ikinulong ang mga ito at nakalaya lamang matapos magbayad ng ransom.
“We always hear the stories of our repatriated kababayans – each story worse after the other. It is gut-wrenching hearing how they suffered. One of them shared how their parents had to sell their farm land to produce a large-sum of money just to be given to those criminals,” sabi ng BI chief.
“Imagine the mental and emotional torture the victims and their families went through. That is not something one easily recovers from,” dagdag nito.
Samantala, ang tatlo pang biktima na umalis ng bansa patungong Malaysia sa pamamagitan ng pagsakay sa bangka sa Zamboanga at Tawi-Tawi.
Ayon sa mga ito, nakaalis ang mga ito ng Pilipinas noong huling bahagi ng 2022 para magtrabaho bilang massage therapists sa Miri, Malaysia ngunit sa huli ay pinagtrabaho ang mga ito bilang sex workers sa spa parlors.
Nabatid na nailigtas ang mga ito ng Malaysian authorities ngunit sinabi ng mga biktima na nakaranas din ang mga ito ng pang-aabuso at pinaglilinis ng comfort room sa police station.
Nagawa naman ng mga itong makahingi ng tulong Philippine embassy sa Kuala Lumpur, na agad na umasiste sa mga biktima para makabalik ng Pilipinas.
Sa pag-iimbestiga, tinukoy ng mga biktima ang kanilang mga recruiter na nagngangalang “Cherry”, “Juvy”, at “Lorena” na nagsaayos ng kanilang pag-alis para makaiwas sa inspeksyon sa pantalan sa Zamboanga at Tawi-Tawi .
Babala pa ni Tansingco sa mga Filipino na mag-ingat at huwag magtiwala sa alok na malaking suweldo.
“Securing documents to work abroad might be tedious, but it also protects aspiring overseas Filipino workers against illegal recruitment and other hazards abroad. Remember that the security measures imposed by the government are in place as we prefer prevention over repatriation,” ayon pa kay Tansingco.
