
Ni NOEL ABUEL
Aprubado na sa House Committee on Poverty Alleviation ang panukalang batas na naglalayon na makapagbigay ng libre o discounted na palibing, burol at iba pang funeral services para sa mga namatayang masa at mahihirap na pamilya.
Ang “Funeral Assistance for Indigent and Extremely Poor Families Act” ay isa sa mga prayoridad na panukalang batas ni Tutok to Win party list Rep. Sam Verzosa bilang tugon sa hirap na dinaranas ng mga naulilang pamilya na kapos sa buhay.
“Para sa masa ito. Alam natin na napakahirap mamatayan ng pamilya o kamag-anak. Bukod sa lungkot na mawalan ng mahal sa buhay, may dagdag-bigat pa na pasanin dahil sa mga gastusin ng burol at libing. Para sa mahihirap natin na kababayan, madalas umuutang pa sila para lang mabigyan ng maayos na libing ang pumanaw nilang mahal sa buhay. Sa batas na ito, puwede na silang makatanggap ng libre o discounted na funeral services,” paliwanag pa ng kongresista.
Bilang vice-chairperson ng House Committee on Poverty Alleviation at chairman ng Technical Working Group, pinangunahan ni Verzosa ang pagtalakay ng mga probisyon ng nasabing batas at mga konsultasyon sa mga stakeholders at mga ahensya ng gobyerno.
Sa ilalim ng naturang panukalang batas, maaaring mag-avail ng free funeral services ang mga extremely poor families o ‘yung mga nabubuhay na mas mababa sa poverty threshold na base sa National Economic and Development Authority (NEDA). Meron namang fifty (50%) percent discount sa funeral services ang mga indigent families.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), may 613,936 na registered deaths sa Pilipinas noong 2020. Ibig sabihin nito may 1,677 na Pilipinong namamatay araw-araw o 70 bawat oras.
Ayon pa sa datos ng PSA noong 2021, 18.1% ng mga Pilipino ang mahirap o nabubuhay lamang sa hindi tataas ng ₱12,030 kada buwan para sa pamilya ng lima.
“Kung 18 percent nito ay mga pamilya na nabubuhay below the poverty line, ibig sabihin may estimated na more or less 318 Filipinos na namamatay araw-araw na most likely ay may iniwang pamilya na mahihirap, o kulang ang pambili ng kabaong at pambayad sa burol at libing. Ito na yung tulong na kailangang-kailangan ng mga kababayan natin at masaya po tayo na naaprubahan na ito ng committee,” sabi pa nito.
Ayon sa panukalang batas, may apat na packages na maaaring ibigay sa mga benepisyaryo kabilang dito ang tulong para sa mga namayapang kababayang Muslim at mga katutubo: (1) Standard burial package, (2) Standard cremation package, (3) Standard customary package for indigenous people at (4) Standard customary practice of Muslim Filipinos.
“Malaking bagay po para sa ating mga kababayan ang batas na ito. Alam natin na limitado lamang ang budget ng gobyerno ngunit isa po dapat ito sa mga priority sa pagtulong sa ating mga kababayan. Kapag namatayan ang isang pamilya talagang malaking dagok ito emotionally and financially, kaya dapat talaga manguna ang gobyerno para tulungan ang mga mahihirap na pamilya. Kami po sa Tutok to Win Partylist, tuluy-tuloy lang po namin tututukan ang pagtulong sa masang Pilipino,” Pahayag pa ni Verzosa.