Pagwawasto ng Araw ng Kalayaan iginiit ng kongresista

Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez 

Ni NOEL ABUEL

Itinulak ni dating House Speaker at 1st District Davao del Norte Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez ang pagwawasto sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na nagsasabing ang Hunyo 12, 1898 ay hindi tumpak sa kasaysayan at mali.

Ipinaliwanag ni Alvarez na hindi tiyak na tama ang deklarasyon ng Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12, 1898 sa Kawit, Cavite, sa pangunguna ni Emilio Aguinaldo.

Sa kasalukuyan, ang Hunyo 12 ng bawat taon ay minarkahan ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa Spanish colonial rule, kasunod ng pagsasabatas ng RA 9166 na kinikilala ang Hunyo 12 bilang araw ng pagdiriwang ng Philippine independence mula sa Espanya.

“We should correct an important part of our history: the misleading celebration of independence of the Philippines from Spain. It is not true that we gained independence on June 12, 1898. Noong nangyari ‘yan, habang nagwawagayway ng bandila si Aguinaldo, tuloy pa ‘yung digmaan. Hindi pa sumusuko Espanya. We only gained and complete independence from them on May 18, 1899, following the surrender of the last Spanish general Diego de los Rios to Filipino revolutionary general based in Zamboanga,” paliwanag pa ni Alvarez.

Tinukoy ng dating House Speaker si Heneral Vicente Alvarez na ipinanganak noong Abril 5, 1862 sa Magay, Zamboanga City.

Si Heneral Alvarez ay isa sa mga heneral sa rebolusyong Pilipino noong digmaang Filipino-Spanish na nakatalaga sa Sulu.

Ito ay nagsilbi sa pagdadala ng kapayapaan sa mga tao sa isla sa pamamagitan ng pag-aayos ng alitan sa pagitan ng mga tagapagmana ng Sultanato kaya binigyan ito ng titulong “Datu Tumanggung” na may lahat na pribilehiyo at awtoridad na pamunuan ang mga sakop ng sultan sa Zamboanga at Basilan.

Noong Mayo 14, 1899, iginawad kay Heneral Alvarez ang ranggo ng Heneral ng Philippine Revolutionary Forces sa Malolos, Bulacan, upang makiisa sa pakikipaglaban sa mga Kastila at sa paparating na mga Amerikano.

Dagdag pa nito, noong Mayo 18, 1899, gumawa ng pananakop ang heneral sa Zamboanga at pinalaya ang Fort Pilar mula sa kontrol ni Gobernador-Heneral Diego de los Rios, na noong panahong iyon, ang pinakamataas na heneral at opisyal ng Kastila sa Pilipinas.

Idineklara ni Heneral Alvarez ang “La Republica Independiente de Zamboanga,” na hudyat ng pagsuko ng mga Kastila sa mga rebolusyonaryong Pilipino.

Sa nasabing petsa, ibinaba at isinuko kay Heneral Alvarez ang huling bandila ng Espanya sa Fort Pilar – isang simbolo na buong pagmamalaking nagpapaalala sa mga Pilipino na sinakop sa loob ng mahigit tatlong siglo at pinal na sumuko kay General Alvarez.

“We should give credit where it is due. We also have to recognize and give honor to those who have fought and actually won against the Spaniards during that era. General Alvarez of Zamboanga must be etched in the echelon of heroes that freed our country from the shackles of Spanish colonizers,” sabi nito.

Sinabi ng mambabatas na dapat na itama ang Araw ng Kalayaan ng bansa mula sa Espanya, at inilipat ito mula Hunyo 12, 1898 hanggang Mayo 18, 1899.

Itinutuwid ng repormang ito ang makasaysayang kawalang-katarungang dulot ng mga taon ng kapabayaan na matagal nang tinitiis ng ibang mga pambansang bayani, na ipinanganak sa labas ng Luzon – kabilang ang yumaong Zamboangueño General Vicente Alvarez.

“We could not just ignore historical facts and be prisoners of our own ignorance. Kailangan natin ayusin at baguhin ang maling paniniwala kung gusto natin umunlad bilang isang bansa. Bakit hindi natin ito simulan sa pagwawasto ng Philippine Independence Day?” tanong ni Alvarez.

Noong Hulyo 03, 2008, ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ng Zamboanga ang Ordinansa Blg. 334 bilang parangal sa kabayanihan ni Heneral Alvarez sa pagpapalaya sa Lungsod ng Zamboanga mula sa Spanish colonizers noong Mayo 18, 1899.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s