
Ni NOEL ABUEL
Naghain ng panukalang batas si Senador Robinhood “Robin” C. Padilla na naglalayong mas higpitan ang paglaban sa illegal recruitment at mataas na parusa sa nasa likod nito
Sa Senate Bill no. 2216 layon nito na tiyaking mas mahigpit ang batas laban sa mga sindikatong sangkot sa gawaing ito at upang protektahan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) laban sa illegal recruitment at human trafficking.
Layon ng panukalang batas na amiyendahan ang Art. 38 (b) ng Presidential Decree 442 (Labor Code of the Philippines) at Section 6 ng Republic Act 8042, ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.
Sa kanyang panukalang batas, iginiit ni Padilla na pasok na sa “illegal recruitment committed by a syndicate” kung dalawang tao sa halip ng kasalukuyang tatlo ang nagkuntsabahan para gawin ang krimeng ito.
“The current definition of illegal recruitment fails to capture the severity of the crime when committed by syndicates and on a large scale. The proposed amendments expand the definition to include illegal recruitment committed by a group of two or more persons conspiring and/or confederating with one another in carrying out any unlawful or illegal transaction, enterprise or scheme, instead of the original stringent three-person requirement,” ani Padilla.
Sakaling maging batas, sinabi ng mambabatas na magiging mas ligtas at patas ang pagre-recruit ng mga Pilipino para sa trabaho sa ibayong dagat.
Umaasa rin si Padilla na sa pagpasa ng panukalang batas, mapapalakas ang proteksyon sa manggagawang Pilipino, mapipigilan ang economic sabotage, at maisusulong ang economic development ng bansa.
“It affirms our unwavering commitment to safeguard the rights and welfare of our workers, making our legal frameworks adapt and respond to the changing landscape of labor migration,” aniya pa.
