Anti-Smuggling Act of 2016 hindi sinunod

NI NOEL ABUEL
Binatikos ni Senador Cynthia A. Villar ang Bureau of Customs (BOC) na sinasadyang mangyari ang smuggling activities sa nasabing ahensya dahil sa ginawa nitong sariling implementing rules and regulations (IRR) ng Anti-Smuggling Act of 2016.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, kung saan chairman si Villar, binago ng ng BOC ang isinasaad ng ipinasang Anti-Smuggling Act of 2016 ng Kongreso sa pamamagitan ng paggawa ng sariling IRR.
Paliwanag pa ni Villar, ipinasa ng Kongreso ang Anti-Smuggling Act of 2016 laban sa smuggling ngunit sa hindi malamang dahilan ay nabago ang nilalaman ng batas nang ang BOC ay maglabas ng IRR na sila ang nasunod at hindi ang Kongreso.
Dahil dito sadyang hindi aniya malulutas ang problema ng smuggling ng mga agricultural commodities tulad ng bigas, asukal, sibuyas, sigarilyo, karneng baboy, baka at manok, seafoods, at iba pa.
Patunay aniya nito na simula 2016 ay wala pang nabalitaan umano si Villar na naparusahan o nakulong na smuggler ng economic sabotage ang BOC.
“In 2016, the Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, was enacted for the purpose of protecting local agricultural industry and farmers from agricultural smuggling. However, we could barely feel the positive impact of this law,” sabi ni Villar.
Sinabi naman ni Atty. Vincent Philip Maronilla, asst. commissioner ng BOC, simula taong 2018 ay nasa 142 kaso ang naisamapa ng ahensya laban sa mga smuggler kabilang ang isang shipmaster at ng iba pang tauhan ng isang barko na nahulihan ng agricultural products na walang kaukulang dokumento.
Ngunit sinabi ng Department of Justice (DOJ), karamihan ng kaso ay nadi-dismiss dahil sa kulang ang ebidensya ng BOC at ang iba naman ay hindi dumadalo sa pagdinig ng kaso sa korte.
Ayon pa sa senador, natuklasan ang komite na may cartels sa mga ini-import na sibuyas kung saan nagsasabwatan ang mga smugglers, hoarders, supplier at traders para maitaas ang presyo nito na patunay na mayroong malinawa na manipulasyon sa presyo ng sibuyas.
Sa nasabing pagdinig, aamiyendahan ang the Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 kung saan isasama na rin sa paparusahan ang sangkot sa profiteering, hoarding at smuggling ng economic sabotage.
Magtatayo rin ng “Anti-Agricultural Smuggling Task Force” na direktang kokontrol at superbisyon ng Office of the President upang maprotektahan ang agricultural sector gayundin ang pagkakaroon ng Anti-Agricultural Smuggling Court na didinig sa lalabag sa Anti-Agricultural Smuggling Act.