Online sex offenders binalaan ni Estrada

IRR ng anti-online sexual abuse pirmado na

Makikita sa larawan sina NACC Undersecretary Janella Ejercito Estrada kasama si DSWD Sec. Rex Gatchalian at DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla sa pagsasabatas ng IRR ng Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act na isinagawa sa DOJ Justice Hall, Manila.

Ni NOEL ABUEL

Nabibilang na ang araw ng mga sex offenders kasunod ng pagpirma ng Implementing Rules and Regulations ng R.A. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.

Nabatid na malugod na ibinahagi ni Undersecretary Janella Ejercito Estrada ng National Authority for Child Care (NACC) ang paglagda sa IRR ng nasabing batas para sa mapigilan ang sexual crimes sa bansa kung saan talamak ang insidente nito gamit ang teknolohiya.

“Ilang taon din tayong nangapa kung paano ba talaga mapipigilan ang sexual crimes laban sa mga bata gamit ang ICT at digital world. Nakakadismaya noon dahil tila wala tayong magawa maski sa mga online sex crimes na mga magulang mismo ang may gawa kapalit ang pera,” sabi ni Undersecretary Ejercito Estrada.

“Sa lawak ng World-Wibe Web, matagal ding nagtago ang mga online sex offenders at sinamantala nila ang kahinaan ng ating mga kabataan. Ngayon, matutukoy na natin sila, maipapakulong habambuhay at hindi natin sila papatawarin sa kanilang krimen,” paliwanag ni Ejercito Estrada.

Sa ilalim ng OSAEC and CSAEM Act, anumang akto, pagsubok o pagtulong sa pagsasagawa ng online child sex – mapa-online, pisikal o kombinasyon nito – ay mapaparusahan.

Sinasabing ang “sexscams” at paghikayat sa isang bata na maging bahagi nito ay krimen na rin kahit may pahintulot ng bata.

Ginawa na ring responsable ang mga internet platforms at intermediaries, ang mga subscribers nito, mga payment platforms at mga indibidwal na nagpapasa o nagse-share ng mga online materials na may child sex.

“Nakakagaan at luwag ng dibdib ang naisa-batas na parusa ng online child sex. Sa higpit ng mga ito, may pag-asa tayo na mapigilan ang online child sex at masisiguro natin na ang digital world ay mas ligtas para sa ating mga kabataan,” dagdag pa ni Usec. Ejercito Estrada.

Sa panibagong batas, ang online sex offenders ay mapaparusahan ng pagkaka-kulong mula 12 taon hanggang habambuhay at pagbabayarin mula P100,000 hanggang P20 milyon.

“Bukod sa pagpigil at pagpaparusa ng online child sex, layon din ng R.A. 11930 na magkaroon ng one-government approach kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang matulungan ang mga batang biktima na maka-recover physically, psychologically at socially. Gusto natin silang bigyan ng aruga at pagmamahal na sa una pa lang ay pinagkait na sa kanila,” giit pa ni Ejercito Estrada.

“Ang kampanya laban sa online child sex at paglaganap ng mga online materials nito ay responsibilidad ng bawat isa. Bawat isa sa atin ay may responsibilidad na protektahan ang ating mga kabataan, tulungan ang mga biktima na maka-recover, at bigyan sila ng oportunidad na mamuhay ng may dangal at may pag-asa. Kasama ang DSWD, ang NACC ay tutulong upang sila ay magabayan, makapag-aral at nang manumbalik ang kanilang normal na buhay. Nawa’y sila ay makatagpo ng tunay ng pagmamahal, aruga at oportunidad para sa mas maayos na kinabukasan,” paliwanag pa nito.

“And at the end of the day, gusto natin na ang digital technology ay ligtas at kapaki-pakinabang para sa ikauunlad ng ating mga kabataan. Kailanman, hindi dapat ito maging daan para sa kanilang ikasisira, ng kanilang kinabukasan lalo na ng kanilang pagiging malaya at masayang indibidwal,” dagdag ni Usec. Ejercito Estrada.

Leave a comment