
Ni MJ SULLIVAN
Posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang ikalawang bagyo sa mga susunod na araw na maaaring maging super typhoon.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy na binabantayan nito ang tropical cyclone na sa kasalukuyan ay nasa labas pa ng PAR.
Sa pinakahuling public weather forecast ng PAGASA, ang sama ng panahon ay nakita sa layong 2,330 km silangan ng Mindanao taglay ang lakas na hangin na nasa 130 kms malapit sa gitna at masungit na hanging nasa 160 kph.
Kumikilos ito ng kanluran hilagang kanluran sa bilis na 15 kph.
“In the next 24 to 48 hours makikita natin na possible po itong umabot sa kategorya na super typhoon, pero hindi po naman po natin nakikita na magkakaroon po ito ng landfall scenario sa anumang bahagi ng ating bansa,” sabi ni Anna Clauren-Jorda, weather forecaster, na nagsabing mababa naman ang posibilidad na mag-landfall ito sa bansa.
Subalit magdadala naman ito ng malakas na ulan dahil sa habagat kung saan magpapaulan sa may kanlurang bahagi ng bansa partikular sa bahagi ng southern Luzon, Visayas, at Mindanao.
Magkakaroon din ng kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang pagkulog-pagkidlat sa Palawan, Occidental Mindoro, at Antique.
Habang ang National Capital Region (NCR) at iba pang nalalabing bahagi ng bansa ay magiging maulap ang papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan o pagkulog at pagdiklat dahil sa habagat at localized thunderstorms.
