
Ni NOEL ABUEL
Naghain ng panukalang batas si Senador Robinhood “Robin” C. Padilla na naglalayong patawan ng parusang kamatayan ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at lokal na halal na opisyal na mapapatunayang sangkot sa illegal na droga.
Sa Senate Bill No. 2217, pinaaamiyendahan nito ang Sections 27 at 28 ng Republic Act. No. 9165, o ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022, kung saan parusang kamatayan ang naghihintay sa opisyal o miyembro ng AFP, PNP o ng sinumang uniformed or law enforcement agency.
Ayon kay Padilla, dahil sa kapos pa rin ang umiiral na batas sa pagsugpo ng krimeng may kinalaman sa bawal na gamot kung kaya’t isinusulong nito ang parusang kamatayan sa halal na opisyal at mga alagad ng batas na sangkot dito.
Sa kanyang panukalang batas, ikinalungkot ni Padilla na dahil maluwag masyado ang kasalukuyang batas, wala nang takot ang mga alagad ng batas na makinabang sa iligal na droga kung kaya’t kailangan ang mas mahigpit na tugon mula sa pamahalaan.
“It is an incontrovertible truth that the illegal drug trade and prevalence become so entrenched and systematic that its rot sets in the very core of our public institutions. To reinstate the rule of law and rebuild the trust of the Filipino people, we must re-impose the death penalty as a strong deterrent to grave offenders from the Armed Forces of the Philippines, the Philippine National Police, any uniformed or law enforcement agency, or an elective official who are entrusted with the public power by the people,” paliwanag nito.
Kamatayan din ang naghihintay sa halal na opisyal na nakinabang sa drug trafficking o nakatanggap ng kontribusyon o donasyon sa mga nahatulan sa drug trafficking – bukod sa pagtanggal sa puwesto.
Samantala, hindi naman papatawan ng parusang kamatayan ang nagkasala kung ito ay babaeng buntis o sa may edad 70 pataas.