Babaeng Chinese na wanted sa pyramid scam arestado sa Laguna – BI

Ni NERIO AGUAS

Bumagsak na sa mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng Chinese na matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad sa kanyang bansa dahil sa pagkakasangkot sa large-scale pyramid investment scam.

Nakilala ang nasabing dayuhan na si Liu Jing, 44-anyos, na naaresto sa pinagtataguan nito sa isang subdibisyon sa Biñan, Laguna ng mga operatiba ng BI fugitive search unit (FSU).

Nabatid na ang pag-aresto sa naturang dayuhan ay sa bisa ng mission order ng BI base na rin sa kahilingan ng Chinese authority para sa ikadarakip nito kung saan kinansela na ng Chinese government ang pasaporte nito kung kaya’t awtomatikong undocumented alien.

Natuklasan din na overstaying alien na rin si Liu na dumating sa bansa noong Disyembre 31, 2019 bilang turista at mula noon ay hindi na umalis ng bansa at tuluyang nagtago.

Dahil dito, agad na ipatatapon palabas ng bansa ang dayuhan bunsod ng pagiging undesirable alien, overstaying at undocumented alien.

Ayon pa kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, si Liu ay subject ng arrest warrant ng public security bureau sa Yongjian district of Handan City sa Hubei province, China noong Mayo 12, 2021.

Inakusahan ito ng umano’y pag-oorganisa at pagpapatakbo ng pyramid investment schemes sa pamamagitan ng foreign currency exchange platform na nanloko sa mahigit 300,000 Chinese na biktima na ang pinagsamang natangay ay umabot sa mahigit US$2.5 milyon.

Kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City si Lui habang inihahanda ang dokumento laban dito.

Leave a comment