Korean fugitive nakatakas sa BI facility

Ni NERIO AGUAS

Nagsasagawa na ng malawakang manhunt ang Bureau of Immigration (BI) para mahuli ang isang South Korean na nagawang makatakas sa BI facility noong nakaraang Linggo.

Kinilala ang nakatakas na dayuhan na si Kang Juchun, 38-anyos, na sinasabing nagawang makaakyat sa 20-foot fence na may barbed wires sa BI jail facility sa Taguig City.

Nabatid na tinatayang ganap na alas-2:00 ng Linggo ng madaling-araw nang akyatin ni Kang ang mataas na pader ng BI facility kung saan pinaniniwalaang nagtamo ito ng sugat dahil sa pagbagsak.

Sinasabing nagawa ng dayuhan lusutan ang isang blind spot sa CCTV ng pasilidad kung saan umakyat ito sa bakod at nahulog sa sementadong kalsada.

Si Kang ay unang nadakip noong nakalipas na Pebrero 10 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 matapos dumating sa bansa mula Bangkok.

Napag-alaman na si Kang ay nasa Interpol red notice dahil sa kasong pagpatay at pag-abandona sa isang patay na katawan.

Kinasuhan ito at inilipat sa pasilidad ng BI sa Taguig bago i-deport.

Nakikipag-ugnayan na ang BI sa mga local law enforcement agency para mahanap at madakip si Kang.

“The BI is working in close collaboration with local law enforcement agencies to locate and apprehend him swiftly. Specialized teams have been deployed to various locations, following reliable leads to capture the fugitive,” ayon sa BI.

“This is a serious breach of our facility’s security, and have initiated a thorough investigation to determine lapses that allowed this to occur as well as take necessary steps to prevent similar incidents in the future,” dagdag pa nito.

Naipabatid na ng BI sa Department of Justice at Korean Embassy ang nangyaring pagtakas ng dayuhan.

Leave a comment