
Ni NOEL ABUEL
Hinihikayat ni dating House Speaker at Davao del Norte 1st District Pantaleon Alvarez ang mga kapwa nito mambabatas at opisyal ng gobyerno na humanap ng paraan para malutas ang jail congestion sa bansa.
Ginawa ng beteranong mambabatas ang pahayag base na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-decongest ang mga kulungan sa bansa kung saan inatasan nito ang Justice Department na ipagpatuloy ang pagpapalaya sa mga taong pinagkaitan ng kalayaan, o ang mga PDL na karapat-dapat para sa parole.
“I am one with the President on calling for solutions to solve the jail congestion. Over the years, while progress has been attained in doing this, there is still much more to be done. As of date, incarcerations have resulted in overcrowded prisons or detention facilities, compromised living conditions for inmates, and significant strain on public resources,” sabi ni Alvarez.
Sa datos ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ipinapakita na may pagbaba sa jail congestion rate mula 600% hanggang 370% noong 2018.
Bagama’t nagkaroon umano ng malaking pagbawas, ang mga bilangguan sa Pilipinas ay nagsisilbi pa rin ng malayung-malayo ang kapasidad at disenyo ng mga piitan.
Sinabi pa ng BJMP na ang nationwide congestion rate ay umakyat sa 612% noong 2017, kasunod ng pagsugpo sa iligal na droga ng nakaraang administrasyon.
At noong 2022, iniulat ng BJMP na sa 447 jail facility sa bansa, 336 ang nasa full capacity na sa kasalukuyan.
Napuna ni Alvarez na ang matinding pagsisikip sa mga kulungan ay dahil sa mga nagkasala na nahuling gumagamit o nagtataglay ng mga ilegal na droga tulad ng methamphetamine (shabu) o cannabis (marijuana).
“I cannot fathom the fact that there are persons imprisoned because of a plant. We understand shabu because it is destructive and must be stopped. But a herbal plant like marijuana which brings no harm to the user is prohibited? Mas delikado pa sigarilyo, alak, at softdrinks, pero di naman natin kinukulong ‘yung mga naninigarilyo, umiinom ng alak, at mahilig sa coke. It does not make sense at all. It is one of the many wrongs in this country. We have to reform and change this line of thinking,” giit ni Alvarez.
Ayon pa rin sa datos mula sa BJMP, mayroong humigit-kumulang 131,311 mga nakakulong at nasentensiyahang mga bilanggo na pinagsama noong Setyembre 30, 2022 sa buong bansa.
Ang congestion rate na 370% mula sa 338 congested BJMP jails sa buong bansa ay nangangahulugan na mayroong limang (5) PDL sa bawat 4.7sq.m. cell area.
Sa 131,311 PDLs, mahigit 90,000 ang nakulong dahil sa mga kaso ng ilegal na droga sa buong bansa na karamihan ay mula sa National Capital Region (NCR).
“I assume that in the 90,000 illegal drug offenders in the country, the bulk of them were imprisoned due to marijuana. ‘Yung mga nag-marijuana, hindi tulad ng mga naka-shabu, hindi ‘yan violent. Kapag mahuli ‘yan, hindi tulad ng naka-shabu, hindi ‘yan manlalaban. Magpapaliwanag pa ‘yan kung bakit mabuti ang marijuana. Kaya nga I cannot comprehend why we imprison these people who are peaceful and bring no substantial harm to society. Di ba gusto natin magbawas ng preso para guminhawa ang ating mga kulungan? Bakit hindi natin simulan sa mga nakakulong dahil lang sa halaman?” pagtatanong pa ni Alvarez.