Epekto ng habagat patuloy na mararanasan — PAGASA

NI MJ SULLIVAN

Asahan pa rin ang madalas na pagkakaroon ng malakas na pag-ulan sa mga probinsya sa Central at Southern Luzon dahil sa epekto ng hanging habagat.

 Sa inilabas na weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bagama’t wala pang sama ng panahon na namamataan na posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ay magdudulot pa rin ng masamang panahon sa malaking bahagi ng bansa dahil sa habagat.

Nabatid na maliban sa katimugang bahagi ng Central at Southern Luzon, apektado rin ng habagat ang Western Visayas, Zamboanga Peninsula at Palawan na magdadala ng maulap na papawirin at kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog na maaaring magdulot ng pagbaha, flashflood, o landslide.

Samantala, ang Metro Manila ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kasamang pag-ulan o pagkulog dahil sa habagat at localized thunderstorms.

Posible ring makaranas ng flash floods o landslides ang ilang bahagi ng Metro Manila dahil sa inaasahang malalakas na pag-ulan na may kasamang pagkulog.

Leave a comment