IRR ng Magna Carta for the Poor para sa mahirap–solon

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Suportado ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga programa ng gobyerno na naglalayong tulungan ang mga pinakamahinang sektor ng lipunan habang inihahanda ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Magna Carta for the Poor na inaasahang lalagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong ” Marcos, Jr.

Binigyang diin ni Go ang kahalagahan ng pagbibigay-prayoridad sa mga pangangailangan ng mga mahihirap at pagtiyak na natatanggap ng mga ito ang kinakailangang tulong upang malampasan ang mga paghihirap, lalo na ang mga apektado ng pandemya.

“Magna Carta for the Poor, ito na po ay naisabatas noong 2019, Republic Act No. 11291, pinirmahan po ni dating Pangulong RodrigobDuterte. Para ma-guarantee natin ang karapatan ng mahihirap nating mga kababayan pagdating po sa sapat na pagkain, disenteng trabaho, edukasyon, at pabahay upang mas maging akma ito sa panahon ngayon at maging aligned sa poverty reduction plan ng gobyerno ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Marcos, ‘yung Philippine Development Plan 2023-2028. Kailangan pong mai-harmonize po itong anti-poverty program,” pahayag pa ni Go.

Sa ilalim ng batas, ang pamahalaan ay dapat magtatag ng isang sistema ng progresibong pagsasakatuparan o pagpapatupad upang magbigay ng mga kinakailangan, kondisyon, at pagkakataon para sa ganap na pagtatamasa o pagsasakatuparan ng mga sumusunod na karapatan ng mahihirap, na mga mahahalagang pangangailangan tungo sa pagpapagaan ng kahirapan.

Upang higit na mapalakas at pahusayin ang pagpapatupad ng mahalagang batas na ito, iminungkahi ang mga pagbabago sa IRR.

Ang binagong IRR ay naglalayong i-streamline ang mga proseso, pagbutihin ang pag-access sa mga serbisyong panlipunan, at tiyaking epektibong naaabot ng mga programa ng pamahalaan ang mga taong higit na nangangailangan nito.

Bilang karagdagan, ang mga iminungkahing pag-amiyenda sa IRR ng Magna Carta for the Poor ay inaasahang magdadala ng maraming benepisyo sa mga pinakamahina na miyembro ng lipunan.

Kasama sa mga pagbabagong ito ang mga hakbang upang mapabuti ang pag-access sa pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, pabahay, mga pagkakataon sa kabuhayan, at mga programa sa proteksyong panlipunan.

Sa pagkilala sa potensyal na epekto ng mga pagbabago, ipinahayag ni Go ang kanyang buong suporta para sa pag-amyenda na IRR kung saan sinabi nito na ang mga pagbabagong ito ay makabuluhang magpapalakas sa pagsisikap ng gobyerno na iangat ang buhay ng milyun-milyong naghihikahos na Pilipino.

“Bilang senador, suportado ko po ang anumang hakbang o programa ng gobyerno na mapapabuti po ang kabuhayan ng mga kababayan nating Pilipino lalung-lalo na po ang mahihirap,” sabi nito.

Leave a comment