
Ni NOEL ABUEL
Agarang sumaklolo ang tanggapan nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Tingog party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre sa mga pamilyang kasamang nasunugan sa Cotabato City.
Nabatid na nagpadala ang Tingog party-list sa Cotabato ng 250 hot meals at 80 galon ng purified water sa Datu Siang Elementary School na nagsisilbing evacuation center ng mga nasunugan dakong alas-9:00 ng gabi.
Napag-alaman ng Tingog na ito ang unang pagkakataon na makakakain ng maayos ang mga biktima mula nang maganap ang sunog.
Batay sa ulat na nakarating sa Tingog, nasa 200 pamilya ang naapektuhan ng sunog na naganap noong Hulyo 5, 2023 sa Purok Tadman, Poblacion 7, Cotabato City at tinatayang 80 kabahayan ang natupok sa insidente.
Samantala, sa darating na Martes, Hulyo 11 ay mamamahagi naman ng relief goods ang tanggapan ni Speaker Romualdez sa mga biktima.
Agad ding nakipag-ugnayan si Speaker Romualdez, Rep. Romualdez, na siyang chairperson ng House Committee on Accounts, at House deputy majority leader Acidre kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian para mabigyan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ang mga biktima ng sunog.
Itinakda ang pamimigay ng ayuda sa ilalim ng AICS sa Miyerkules.
