
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng suporta si Senador Christopher “Bong” Go sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa umano’y onion cartel gayundin ang smuggling at hoarding ng mga produktong agrikultura.
“I commend President Marcos for his decisive action to address the issue of hoarding, smuggling, and price fixing of agricultural commodities,” sabi ni Go sa naging direktiba ni Marcos sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) naagsagawa ng malalimang imbestigasyon.
Binigyan diin ni Go ang kahalagahan ng pagprotekta sa interes ng mga lokal na magsasaka at mga mamimili at sinabing ang mga labag sa batas na gawi na ito ay may malubhang kahihinatnan para sa mga magsasaka at sa pangkalahatang publiko, partikular sa mga mahihirap.
Aniya, kailangan nang wakasan ang manipulative tactics na ginagamit ng mga onion cartels, na humantong sa malaking pagtaas ng presyo ng sibuyas at negatibong naapektuhan ang purchasing power ng mga mamimili at ang kabuhayan ng mga magsasaka.
“It is crucial to hold those responsible accountable for their actions. Our farmers work hard to provide for our nation, and they should not be exploited by unscrupulous individuals seeking to profit at their expense. We must ensure that justice is served,” sabi nito.
“Napakaimportante ng food security. Huwag natin hayaang may nagsasamantala lalo na sa sektor ng agrikultura kung saan nakasalalay ang ikabubuhay ng marami nating kababayan. Importante na may laman ang tiyan ng mga tao lalo na mga mahihirap,” dagdag nito.
Iginiit ni Go ang pangangailangan para sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga nagpapatupad ng batas upang matiyak ang isang komprehensibo at mahusay na pag-iimbestiga.
Sinabi nito na kailangan ang koordinasyon at pagsasama-sama ng mga ahensya ng pamahalaan upang mabilis na madala ang mga may kasalanan sa hustisya.
“Cooperation among relevant agencies is essential in dismantling the cartel and curbing smuggling activities effectively. We must work together to protect our farmers, stabilize prices, and safeguard the welfare of our consumers,” pahayag pa nito.
