
NI MJ SULLIVAN
Nagpalabas ng abiso ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa ilang bahagi ng bansa na magkakaranas ng malakas na pag-ulan sa loob ng ilang oras.
Sa inilabas na thunderstorm advisory No. 7 ng PAGASA, simula alas-3:00 ng hapon inaasahang makakaranas ng malakas na pag-ulan na may kasamang malakas na hangin sa buong Metro Manila, Nueva Ecija, Bataan, Bulacan, Cavite, Quezon na tatagal ng 2-oras hanggang 3-oras.
Mararamdaman din ang masamang panahon sa probinsya ng Batangas kasama ang mga bayan ng Lipa, Padre Garcia, Rosario, Taysan, Lobo, at Santo Tomas gayundin sa Alaminos, San Pablo, Rizal, Nagcarlan sa Laguna; sa Cainta, Antipolo sa Rizal.
At sa Porac, Mabalacat, Angeles City sa Pampanga; sa Bamban, Capas, San Jose sa Tarlac; sa Botolan, San Marcelino, Santa Cruz, Candelaria, Masinloc sa Zambales na tatagal ng 2-oras.
Pinapayuhan ng PAGASA ang lahat ng residente na mag-ingat sa posibleng pagkakaroon ng flash floods at landslides dahil sa malakas na pag-ulan.
