DA kinastigo sa pagbalewala sa rabies ng aso

Rep. Janette Garin

Ni NOEL ABUEL

Binatikos ni Deputy Majority Leader at Iloilo First District Rep. Janette Garin ang Department of Agriculture (DA) dahil sa kawalan ng alokasyon na pondo para sa rabies vaccine.

“Nakakapagtaka this preventable disease has actually slowed down the past years, pero ngayon tumaas siya and supposedly the Department of Agriculture would have been spending rabies vaccine for our dogs, lalo na ‘yung mga stray dogs. Parang nawalan na yata ng pondo,” sinabi ni Garin sa budget deliberations ng DA.

“May I know why rabies vaccination for dogs has been taken out among the priorities of the Department?” tanong ng mambabatas sa DA.

Sa pahayag ni DA Undersecretary Agnes Catherine Miranda, sinabi nito na sa mga nakalipas na taon ay may pondo ang ahensya para sa nasabing mga bakuna, gayunpaman, sa kasalukuyan ay nasa loob ito ng mandato ng mga local government units (LGUs).

Binigyan-diin ng House appropriations panel vice chairperson ang panganib ng pagkakaroon ng mga asong gala na hindi bakunado laban sa rabies, kung saan ang kagat nito ay maaaring magdulot ng kamatayan sa tao.

Idinagdag din nito na ang mga bakuna ay magiging isang kasangkapan upang maprotektahan ang mga indibidwal mula sa matinding pinsala na maaaring idulot ng rabies.

“Mahal ang human anti-rabies vaccine. Nakakamatay ito at walang gamot. Minsan hindi naman naibibigay na libre ang full dose ng rabies vaccine. Kaakibat ng solusyon sa ‘zero rabies death’ ay ang pambabakuna sa mga aso,” iginiit ni Garin.

“Patuloy nanganganib ang mga taong makakasalubong ng ‘dog without an owner’ and unvaccinated dogs,” dagdag pa nito.

Ayon sa World Health Organization (WHO), nasa 59,000 na tao ang namamatay taun-taon dahil sa rabies, 95 porsiyento ng mga kaso ay nangyayari sa Africa at Asia.

Hinimok ng mambabatas ang DA na itigil ang pagturo sa mga LGUs. Ang bakuna sa rabies para sa mga aso ay nagkakahalaga lamang ng Php10 bawat isa.

“Napakamura na nga. Ipinagkait pa.bTignan po natin kung paano natanggal o nawala [‘yung pondo para sa rabies vaccines]… I cannot swallow people dying from preventable illnesses,” ayon kay Garin.

“It is imperative that DA brings back rabies vaccines for dogs,” iginiit pa ng mambabatas.

Leave a comment