
Ni NOEL ABUEL
Inalmahan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa chairman ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at siyam na iba pa sa Office of the Ombudsman dahil sa pagkawala umano ng P75 milyon na performance bond ng isang e-sabong firm.
Sinabi ni Barzaga, dating chair ng House committee on games and amusement, walang kinalaman si Chairman Alejandro Tengco sa mga alegasyon dahil ang pinuno ng PAGCOR noon ay si Andrea Domingo.
“Mukhang hindi pinag-aralang mabuti ang kasong isinampa because Chairman Tengco was not yet the head of PAGCOR then. The complaint was filed probably just to harass him,” sabi ni Barzaga.
Kabilang sa mga kinasuhan ng malversation of public funds, qualified theft at falsification of private and commercial documents sina Domingo at Tengco, ang kanyang chief of staff na sina Dianne Erica Jogno, Domingo at dating board members Gabriel Claudio, Carmen Pedrosa, Reynaldo Concordia at James Patrick Bondoc.
Si Joaquin Sy, chairman of the board at chief finance officer ng Kamura Highlands Gaming and Holdings Inc., ang naghain ng kaso sa mga nasabing indibiduwal.
Nabatid na si Tengco ay napasama sa mga kinasuhan kahit naupo lamang ito sa PAGCOR noong huling linggo ng Agosto ng nakaraang taon.
Sinampahan din ng kaso sina Tengco at Jogno ng Obstruction of Justice dahil sa pagsasadya umanong pagtatago ng mga krimen at hindi makatarungang pagtanggi na tumugon sa mga liham ng nagrereklamo sa loob ng itinakda ng batas.
Ipinunto ni Barzaga na kasama pa sa reklamo sina Concordia bagama’t namatay na ito noong Hunyo 17, 2021 at Pedrosa na pumanaw noong Hunyo 8, 2022.
“Basic naman ‘yan, mukhang ‘di pinag-aralang ang kasong isinampa. The complainant doesn’t even know that a person’s death extinguishes civil and criminal liability. They’re blackening the memory of the late PAGCOR board members,” giit ng kongresista.
Pinuri naman ni Barzaga si Tengco sa pagtitiyak sa publiko na haharapin nito ang naturang usapin kahit na wala umano itong kinalaman, at sinabi ng mambabatas na ito ay nagpapakita ng lakas ng pagkatao ng huli.
Ang iba pang respondents sa kaso ay si Jewel Castro at mga magulang nito na sina Rizalina at Simplicio Castro na sinasabing sangkot sa Kamura.
Subalit base sa records ng Kamura Highlands Gaming and Holdings, Inc. sa Securities and Exchange Commission (SEC), mula sa P100M paid up capital, sina Rizalina Camora Castro, Simplicio Castro Lorenzana Jr. at Jewel Camora Castro ay nagbayad ng P20M bawat isa o kabuuang P60M.
Bukod dito, sa pinakahuling general information sheet na inihain sa SEC, si Rizalina Camora Castro ang presidente at si Jewel Camora Castro ang bise-presidente habang si Joaquin P. Sy ay bilang chief financial officer.
Si Rizalina Camora Castro, sa pinakahuling stockholder’s information sheet ay nagbayad ng P24M at si Jewel Camora Castro ay nagbayad ng P25M o kabuuang P49M mula sa paid-up capital na P100M.
