
Ni NOEL ABUEL
Pinaaamiyendahan ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang Republic Act No. 8042, o ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act na naglalayong palawigin ang paggamit ng Emergency Repatriation Fund (ERF) para sa mga pangangailangan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Sa House Bill 9388, layon nito na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang higit na may kakayahang umangkop sa paggamit ng ERF, partikular na para sa pagtatayo ng mga pansamantalang tirahan sa ibang bansa at mga halfway house sa bansa alinsunod sa mandato ng repatriation nito.
Ang inisyatibang ito ay naglalayong bawasan ang mga gastusin ng gobyerno sa mga commercial accommodations habang tinitiyak ang kaligtasan at ginhawa ng mga OFWs sa kanilang pananatili.
Sa ilalim ng umiiral na batas, ang ERF, kasama ang OWWA bilang administrator, ay layon para sa pagpapauwi ng mga OFWs sa mga kaso ng digmaan, epidemya, kalamidad, at iba pang katulad na mga kaganapan.
Gayunpaman, binigyan-diin nito na ang COVID-19 pandemic ang nagbukas sa isipan na kailangan ng isang mas malawak na diskarte upang suportahan ang mga OFWs sa panahon ng trahedya.
Sinabi pa ng kinatawan ng OFW party list na isa sa mga pangunahing isyu sa kasalukuyang sistema ng repatriation ay ang kawalan ng angkop na pansamantalang tirahan, partikular sa mga host country, para sa mga distressed OFW na naghihintay ng repatriation.
Bukod pa rito, ang mga repatriated OFW ay nangangailangan ng mga halfway house sa panahon ng paglalakbay sa kanilang sariling bayan o tirahan, na maaari ring magsilbing quarantine facility sa panahon ng pandemya.
Dagdag pa rito, sinabi ni Rep. Magsino na ang mga kasalukuyang shelter sa mga host country, na madalas na tinatawag na Bahay Kalinga, ay madalas umanong masikip na nagreresulta sa hindi ligtas at hindi makataong kondisyon ng pamumuhay ng mga OFWs.
Sa ilang pagkakataon aniya napipilitan ang gobyerno na umupa ng mga pasilidad gaya ng iniulat ng Department on Migrant Workers (DMW), mayroon lamang 24 na pansamantalang tirahan ng mga migranteng manggagawa sa buong mundo, 14 sa mga ito ay nasa Middle East.
Noong 2021, iniulat ng Commission on Audit (COA) na ginamit ng OWWA ang halos 100% ng ERF nito, na nagkakahalaga ng ₱17.3 bilyon, para tulungan ang mga repatriated OFWs na apektado ng pandemya.
Noong 1st quarter ng 2022, mahigit 900,000 OFWs ang napauwi dahil sa global health crisis. Gayunpaman, nang humupa ang pandemya at nagpatuloy ang pag-deploy ng mga OFWs, nagsimulang mag-ipon ng makabuluhang balanse ang ERF.
Para sa 2024, ang OWWA ay naglaan ng balanse ng ERF na ₱9.7 bilyon, kung kaya’t ang pangangailangan na ilaan ito sa mas paraan ang mahalaga.
“Ang laki ng pondong natitira sa ERF subalit hindi magamit ng OWWA para sa ibang pangangailangan ng mga OFWs dahil restricted ito ng batas. Sayang ang pondo. Kaya’t kailangan natin ibagay ang batas sa mga nagsisilabasang pangangailangan sa repatriation process. Una na nga dito ang maaayos, malilinis, at ligtas na shelters at halfway houses na paglalagian ng ating distressed OFWs,” paliwanag pa ni Magsino.
