
Ni NOEL ABUEL
Suportado ni Senador Christopher “Bong” Go ang panukalang dagdagan ang suweldo ng mga government workers ngunit hindi naman dapat kalimutan ang benepisyo para sa mga guro.
Sa Senate plenary deliberation sa 2024 budget ng Department of Education (DepEd), ipinahayag ni Go ang kanyang suporta sa iminungkahing pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa gobyerno, habang isinusulong din ang pinabuting kompensasyon at benepisyo para sa mga guro, gayundin ang suporta sa badyet para sa National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City, Capas, Tarlac at iba pa.
Naalala ni Go na binanggit ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman sa pagdinig ng Development Budget Coordination Committee at sa plenary interpellations, na nasa P17 bilyon na ang inilaan para sa Salary Standardization Law 6 sa proposed 2024 budget.
Dahil dito, inaasahan ng mga manggagawa ng gobyerno ang pagtaas ng suweldo sa susunod na taon.
“Sana po ay matuloy ito at isa po ako sa magsusulong nito at kasama po dito ang ating mga teachers,” aniya.
Nanawagan din ang senador sa DepEd na isulong ang kompensasyon at benepisyo para sa mga guro, na kinikilala ang kanilang pambihirang dedikasyon at napakahalagang kontribusyon sa paghubog ng kinabukasan ng mga kabataan.
“Pag-aralan po natin kung anong benepisyo pa ang dapat ibigay sa ating mga guro bukod pa sa kanilang suweldo. It is therefore incumbent upon us to recognize their devotion,” ayon pa dito.
Binigyan-pansin din ni Go ang iminungkahing badyet para sa NAS na ang kahalagahan nito sa pagpapaunlad ng mga batang talento sa atleta kasama ng sekondaryang edukasyon.
Ang Republic Act No. 11470, na nag-utos sa pagtatatag ng NAS sa New Clark City, Capas, Tarlac, ay pinagtibay noong 18th Congress.
Malaki ang kontribusyon ni Go bilang pangunahing may-akda at co-sponsor ng batas, kasama sina Senador Pia Cayetano, Sonny Angara, at Win Gatchalian na pangunahing nag-sponsor ng panukala.
Ang NAS ay nilikha upang magbigay ng mga promising student-athlete ng access sa top-tier sports amenities at educational prospects.
“Dito po sa NAS, pwede po silang mag-aral ‘yung mga atleta at the same time mag-training, pwede po silang mag-training at the same time mag-aral, wala pong masasakripisyong oras; they can study and train at the same time, not sacrificing any time,” paliwanag ng senador.
“Ngayon na isinasaayos na natin ang budget para sa susunod na taon, uunahin na po natin sana ang trabaho, unahin natin ang pagserbisyo at pagtulong po sa mga Pilipino lalo na ang pinakamahihirap nating kababayan,” sabi pa ni Go.
