

Ni NOEL ABUEL
Libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) at kasapi ng kanilang pamilya ang nagtungo sa The Tent sa Las Piñas City para sa 12th OFW and Family Summit.
Tema ng summit sa taong ito ang “Masaganang Kabuhayan Para sa OFWs and Families” kung saan nagbukas ng ribbon cutting ceremony na pinangunahan ng pamilya Villar.
Nagbigay ng welcome address si House Deputy Speaker Camille Villar samantalang si Senador Mark Villar ang nag-deliver ng special message.
Sa kanya namang inspirational message, sinabi ni dating Senate President Manny Villar na importanteng ipagpatuloy ang suporta sa OFW sector.
Ipinahayag naman ni Senador Cynthia Villar na ang taunang summit ang paraan ng Villar family para ipakita ang kanilang pasasalamat sa lahat ng OFWs sa malaking tulong upang mapanatiling matatag ang ating ekonomiya sa kabila ng global crisis.
“We also want to help and guide our migrant workers in wisely investing their hard-earned money from abroad,” giit pa ng senador na kilalang advocate ng OFWs.
Nagwagi si Lorean Policarpion, may bahay ng isang OFW na nagtatrabaho sa Saudi Arabia ng grand prize na Camella house sa idinaos na raffle draw.
Nag-uwi rin ang iba pang lucky winners sa draw ng iba’t ibang appliances, sari-sari store showcase at motorcycle.
Bukod sa mga premyo na napanalunan, nakakuha rin ang mga dumalo sa summit ng kaalaman para sa kanilang higit na protekyon habang nagtratrabaho sa ibang bansa.
Meron ding resource persons bilang panelists na tumalakay sa mga paksang digital earning at investment at entrepreneurship.
Nagkaroon din ng dialogue sa concerned government officials na sina Department of Migrant Worker (DMW) OIC Atty. Hans Leo Cacdac, Department of Foreign Affairs (DFA) Usec. Atty. Eduardo Jose De Vega, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnelli Ignacio, Department of Justice (DOJ) Senior Assistant Prosecutor Atty.Josyli Tabajonda at Maritime Industry Authority (MARINA) Director, Luisito De los Santos.
