
Ni NOEL ABUEL
Pinagtibay ng House Committee on Legislative Franchises ang panukalang humihimok sa National Telecommunications Commission (NTC) na suspendehin ang operasyon ng Swara Sug Media Corporation (SSMC) na tumatakbo sa ilalim ng pangalan ng negosyo na Sonshine Media Network (SMNI) para sa mga paglabag sa legislative franchise nito.
Ang House Resolution 1499 na inakda ni House Assistant Majority Leader at Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) party list Rep. Margarita Nograles, tinalakay sa pagdinig ang paglabag ng SMNI sa prangkisa nito gayundin ang panawagan sa Securities and Exchange Commission (SEC) na i-terminate ang SEC Registration nito bunsod ng paglabag sa Revised Corporation Code.
Sa pagdinig, sinabi ni Nograles na ang SMNI ay nakagawa ng mga malalaking paglabag sa kanilang prangkisa hindi lamang dahil sa iresponsable at walang ingat na kaugalian nito sa pagsasahimpapawid ng mga peke at walang basehang kwento kundi dahil din sa mga labag sa batas na corporate practices.
Kasama sa mahabang listahan ng mga paglabag sa legislative franchise ng SMNI, sinabi ni Nograles na lantarang nilabag ng SMNI ang Revised Corporation Code nang lumipat ito mula sa isang non-stock, non-profit na korporasyon tungo sa Corporation Sole nang hindi nakakuha ng kinakailangang nakasulat na pahintulot o two-thirds majority vote mula sa mga miyembrong kabilang sa Kingdom of Jesus Christ na pinamumunuan ng nagpapakilalang “Anak ng Diyos” na si Pastor Apollo Quibuloy.
Inihalimbawa nito ang Section 114 tungkol sa mga religious societies, binigyan-diin ni Nograles ang kawalan ng wastong awtorisasyon mula sa two-thirds ng 7 milyong miyembro ng KJC.
Ipinunto rin ni Nograles ang sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon ng SMNI, na direktang sumasalungat sa mga probisyon ng legislative franchise nito na nagbabawal sa franchisee na gamitin ang mga istasyon o pasilidad nito para sa pagsasahimpapawid ng malaswa o malaswang pananalita, kilos, o eksena; o para sa pagpapakalat ng sadyang maling impormasyon o sadyang maling representasyon, sa kapinsalaan ng pampublikong interes.
Sinabi pa ni Nograles na nilabag din ng SMNI ang prangkisa nito dahil sa paglilipat ng controlling interest nito nang walang paunang pag-apruba ng Kongreso at sa hindi pag-uulat sa Kongreso sa loob ng 60 araw pagkatapos ng paglipat.
Binanggit ni Nograles na nilabag din ng SMNI ang mga tuntunin ng prangkisa nito dahil sa hindi pagsunod sa ipinag-uutos na 30% dispersal ng pagmamay-ari sa publiko.
Paliwanag pa ni Nograles na bilang mga kinatawan ng taumbayan, responsibilidad ng mga kongresista na tiyakin na napoprotektahan ang mga tao mula sa maling impormasyon at malisyosong impormasyon.
“This is not an attack on the freedom of the press. Rather, we are defending the right of the people to have an accurate and true reporting so they can formulate honest opinions and thus, contribute positively to the society, “ pahayag ni Nograles.
