Isa pang international airport sa Cebu ipinanukala sa Kamara

Rep. Vincent Franco “Duke” Frasco

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong sa Kamara ang pagkakaroon ng karagdagang international airport sa lalawigan ng Cebu bunsod ng dumaraming mga turistang dumarating dito.

Sa House Bill No. 9665 ni House Deputy Speaker at Cebu 5th district Rep. Vincent Franco “Duke” D. Frasco, layon nito na magkaroon ng Sogod Cebu International Airport.

Sinabi ni Frasco na ang sektor ng transportasyong panghimpapawid bilang isang mahalagang tulong sa paglago at pag-unlad ng ekonomiya, na gumaganap ng isang mahalagang papel para sa mga industriyang may mataas na halaga tulad ng trade, manufacturing, at tourism.

Ang kanyang HB No. 9665 ay naglalayong magtatag ng isang internasyonal na paliparan sa munisipalidad ng Sogod, Cebu na may pananaw na lumikha ng mas maraming trabaho para sa kanyang mga nasasakupan, pagpapahusay sa industriya ng turismo, pag-akit ng mas maraming dayuhang mamumuhunan, pagbubukas ng lokal na negosyo sa pandaigdigang merkado, at paglaki ng kita sa koleksyon sa buwis, bukod sa iba pa.

Ang iminungkahing Sogod Cebu International Airport ay magiging pangalawang internasyonal na paliparan sa lalawigan ng Cebu.

Ayon pa kay Frasco, makakatulong sa mabawasan ang air traffic sa Mactan-Cebu International Airport na itinuturing na pangalawang pinaka-abalang paliparan sa bansa.

Ito rin ang magsisilbing pangunahing gateway sa hilagang bahagi ng Central Visayas Region, na magdadala ng mas maraming access at connectivity sa mga lungsod at iba pang bansa.

Sa ilalim ng HB No. 9665, ang pagtatayo ng bagong international airport ay pangangasiwaan ng Department of Transportation at ito ay magsisilbi sa parehong domestic at international air transport na tumatakbo sa mga modernisado at makabagong pasilidad at mga sopistikadong sistema ng pamamahala.

“The proposed Sogod Cebu International Airport will not only uplift the lives of the people in the 5th District, but will also bring a significant economic impact to the Province of Cebu and the rest of the country,” pahayag pa ni Frasco.

Leave a comment