
Ni NOEL ABUEL
Hinikayat ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang gobyerno, partikular ang mga intelligence at law enforcement agencies na alamin ang mga ulat at pigilan ang Chinese nationals na umano’y sangkot sa “creeping invasion” gamit ang droga o laundered money sa pagkuha ng lupa at ari-arian sa bansa.
Sinabi ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ginawa nito ang panawagan matapos ipaalam sa panel, sa isa sa mga pagdinig nito, na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang Philippine National Police (PNP) ay lahat ay nahaharap sa isang blangkong pader sa pagkakakilanlan ng isang sinasabing Filipino-Chinese national na kinilala bilang si Willy Ong na pinaniniwalaang nasa likod ng shipment ng 560 kilos na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon ng shabu sa Mexico, Pampanga noong Setyembre.
Ayon pa sa Mindanao solon, si Willy Ong, na may nakarehistrong kumpanya sa Securities and Exchange Commission (SEC) bilang Empire 999, ay nagawang may mag-ari at mag-operate ng gasoline station at makabili ng mahigit sa apat na ektarya ng lupa sa bayan ng Mexico gamit ang Filipino dummies.
“Mr. Ong, based on documents we have on hand, has a UMID ID Card and a drivers’ license issued by the Land Transportation Office and used an address in Nueva Ecija. But the NBI and the PNP, despite weeks of search, could not locate him in his given address,” sabi ni Barbers.
“May mga natatanggap tayong reports na hindi lang sa Pampanga na merong buying spree ng lupa at properties ang ibang mga Chinese nationals tulad ni Willy Ong na umano’y gumamit ng fake credentials, kumuha ng government-issued IDs, at magparehistro ng kanilang mga negosyo sa SEC, Department of Trade and Industry (DTI) at mga local government units (LGUs), gamit ang kanilang mga bayarang Filipino dummies,” ani Barbers.
“Dapat din tingnan ng ating pamahalaan na ang nangyari na ito sa Mexico, Pampanga ay hindi isolated case. Mangyayari o nangyari na ito sa lugar ng Palawan, Bulacan, Zambales, sa Davao at iba pa. Baka magising na lang tayo isang umaga at malaman na marami nang lugar sa ating bansa ay nabili at pag-aari na ng mga Chinese nationals,” dagdag pa ng mambabatas.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng House Dangerous Drugs panel in aid of legislation ang pagkakasamsam ng P3.6-bilyong shabu shipment sa Pampanga na nagmula sa Thailand, dumaan sa Subic Freeport, na-consign at dapat ihatid sa hindi batid na pangalan at lugar sa Binondo, Maynila, ngunit muling inilipat sa isang bodega na pag-aari ni Ong sa bayan ng Mexico.
