
SUBUKAN N’YO!!!
Dapat muling imbestigahan ng mga kinauukulan ang tunay na nangyari sa pagpatay kamakailan sa 2-katao sa Sta. Ana, Pampanga, para ang magdusa sa krimen ay ang tunay na may sala.
Maraming residente ng Barangay San Jose, Macabebe, Pampanga, ang naniniwalang hindi magagawa ni Donald Castro Lagman, 38, ang krimen dahil sa bukod sa kilala nilang matinong tao ang sinampahan ng double murder case, galing umano siya sa matitino at mabubuting pamilya.
Si Donald, na tubong-Barangay San Jose, ay kasalukuyang nagdurusa sa loob ng bilangguan sa naturang munisipyo sa ibinibintang sa kanyang double murder.
Biro n’yo, mga padrino ko, itong si Donald, na may marangal na hanapbuhay, ay inakusahan sa pagpatay ng dalawang katao dahil daw sa pagnanakaw ng mamahaling gamit na tulad ng I-phone, Apple tablet, Louis Vuitton bag at motorsiklo, gayong may marangal siyang hanapbuhay at ang kanyang misis ay isang overseas Filipino worker.
Siya raw ang itinuturo ng testigong 8-taon gulang na bata sa pumatay sa kanyang tatay at lolo. Susmaryosep!
Batay sa mga narinig ko mula sa mga residente ay naniniwala akong dapat muling imbestigahan ang akusasyon kay Donald kasi maaaring siya ay tinakot lamang ng tunay na salarin. O mga salarin!
Nalaman ko na dati palang asawa nitong si Donald ang kasambahay ng mga biktima. Matagal na silang hiwalay nitong dati niyang asawa na mayroong ibang kinakasama.
Wala akong ipinahihiwatig, pero paano nga namang igagapos ni Donald ang kanyang sarili kasama ang mga biktima? Tsk, tsk, tsk!
Kung tama ang aking hinala na maaaring tinakot lamang si Donald kasi nagawa ng suspek na pumatay ng dalawang katao, e, tiyak magagawa rin nitong dagdagan ang kanyang mga pinatay para lang matakasan ang mahabang kamay ng hustisya!
Kaya dapat lang na imbestigahang muli ang kaso at tiyakin ang proteksyon ng mga kinauukulan kay Donald at kanyang pamilya.
At ilipat ang pagdinig sa naturang kaso sa San Fernando, Pampanga para hindi maimpluwensyahan ng pamilya ng mga biktima.
Imbestigahan!
xxx
Labis ang pasasalamat ng mga residente ng Macabebe, Pampanga, kay Cong. Jorge Bustos, ng Patrol Party List, na nagbigay ng legal assistance sa double murder case na isinampa laban kay Donald Castro Lagman.
Bukod kay Cong. Bustos, tumutulong din daw kay Donald si Macabebe Mayor Bobong Flores.
Alam n’yo, mga padrino ko, itong si Cong. Bustos, na tubong-Masantol, Pampanga, ay isang retiradong police superintendent (lieutenant colonel) at talagang nakaukit na sa kanyang puso ang tumulong sa mga nangangailangang mamamayan hindi lamang sa lalawigan ng Pampanga, kundi sa lahat sa abot ng kanyang makakaya.
Bagama’t hindi ko siya personal na kakilala ay marami na akong narinig na komento tungkol sa kanyang pagtulong.
Matindi talaga itong si Congressman Jorge Bustos, tumulong sa kapwa! Ang tulad n’ya ang kailangan ng bansa!!
Sana’y dumami pa ang tulad mo, Cong. Jorge ”PATROL” Bustos!
(Huwag lahi ang dumami kasi baka magalit sa akin ang sweetheart mo. Hehehe)
Abangan!!!
xxx
Para sa komentaryo; dodorosario@yahoo.com
