Davao Occidental, lalawigan ng Isabela at ng Surigao de Sur nilindol

Ni MJ SULLIVAN

Niyanig ng paglindol ang ilang lugar sa Davao Occidental, lalawigan ng Isabela at ng Surigao de Sur, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Base sa datos, ganap na alas-12:10 ng madaling-araw nang maitala ang magnitude 3.6 na lindol na natukoy ang sentro sa layong 297 km timog kanluran ng Balut Island, sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental.

May lalim itong 176 km at tectonic ang origin.

Samantala, ala-1:09 ng madaling-araw nang maramdaman ang magnitude 3.1 na lindol sa probinsya ng Isabela.

Nakita ang sentro ng lindol sa layong 025 km hilagang silangan ng Maconacon, Isabela at may lalim na 028 km at tectonic ang origin.

Ganap namang alas-8:14 kagabi nang tumama ang magnitude 3.8 na lindol sa layong 074 km hilagang silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur na may lalim lamang na 003 km at tectonic din ang origin.

Inaalam pa kung may naging danyos ang nasabing malakas na paglindol. Wala namang inaasahang aftershocks ang Phivolcs sa mga susunod na araw.

Leave a comment