Wanted na Chinese national naharang sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Chinese national na hinihinalang sangkot sa credit card fraud.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng BI-Interpol unit na ang 29-anyos na dayuhan, na itinago ang pagkakakilanlan bilang pagsunod sa mga protocol ng Interpol, ay naharang noong nakaraang linggo sa NAIA Terminal 1 matapos itong dumating sa pamamagitan ng Eva Air flight mula Taipei.

Ayon kay BI-Interpol chief Jaime Bustamante, agad na pinabalik ang nasabing dayuhan matapos makita ng immigration officer na nagproseso sa kanya na nasa listahan ito ng bureau’s blacklisted foreign nationals ang kanyang pangalan.

Sinabi pa ni Bustamante na ang blacklist order ay nag-ugat mula sa blue notice na inilabas ng Interpol sa Beijing noong Nobyembre 2022 dahil sa criminal case na kinakaharap ng Chinese national sa Taiwan.

Pinuri ni Tansingco ang pagharang sa wanted na dayuhan bilang isang halimbawa kung paano nabibigyan ng hustisya ang mga dayuhang pugante dahil sa pinalakas na kooperasyon ng BI at Interpol.

Nabatid na isang kasong kriminal ang isinampa laban sa dayuhan noong Abril 2019 ng municipal public security bureau sa Baoding City, Hebei province, China dahil sa umano’y pagpapadali sa paggamit ng mga credit cards ng kanyang mga kamag-anak sa mga criminal fraud syndicate.

Inihayag ng mga imbestigador na ang dayuhan ay pinaghihinalaang gumawa ng krimen sa pagitan ng Disyembre 2018 hanggang Pebrero 2019 nang hilingin nito sa kanyang kapatid na kumbinsihin ang 39 sa kanilang mga kamag-anak na i-advertise ang pagbebenta ng kanilang mga credit cards online.

Gayunpaman, ang mga card ay binili ng mga gang criminal sa ibang bansa at ang dayuhan ay tumakas sa China at tinangay ang perang kinita nito sa transaksyon.

Naglabas ng criminal detention warrant ang Baoding public security bureau para sa ikadarakip sa nasabing dayuhan.

Leave a comment