
Ni NOEL ABUEL
Aabot sa mahigit sa 20,000 katao ang sinasabing nasawi sa madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Kamara sa bilang ng mga nasawi sa war on drugs ng nakaraang administrasyon, ipinunto ni Atty. Chel Diokno kung papaano iniulat ng Office of the President noong 2017 na may kabuuang 20,322 katao ang pinatay mula Hulyo 1, 2016 hanggang Nobyembre 27, 2017.
“There is one number that is unassailable because this comes from the Office of the President (OP) and was cited in an extended resolution of the Supreme Court, and that number is 20,322 persons killed in the war on drugs,” deklarasyon ni Diokno.
Hinimay ni Diokno ang mga datos at ipinaliwanag na 3,967 katao ang pinatay sa operasyon ng pulisya, habang ang natitirang 16,355, ay pinatay ng mga riding-in-tandem at mga hindi kilalang armado sa nabanggit na panahon.
Aniya, pinagbasehan ng Supreme Court, sa kanilang pinalawig na resolusyon sa war on drugs, ay batay sa Command Memorandum Circular (CMC) 16-2016 na nilagdaan ng noo’y PNP chief Ronald Dela Rosa.
Ipinatupad sa CMC ang operation “double-barrel,” kasama ang “Oplan Tokhang” at “Oplan high-value targets” (HVT).
Tinanong ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., namumuno sa House Committee on Human Rights sa Kamara na nag-iimbestiga sa pagdinig, kung bakit walang naihahaing kaso gayung wala na sa posisyon ang dating Pangulo.
Tugon si Diokno, “The problem, your Honor, is that those who are directly aggrieved, the relatives of the victims, are very afraid to file cases.”
Hinamon ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea ang mga nakuhang datos ni Diokno.
“First of all those copies kung meron man, are part of the privilege communication of the Office of the President. If there was such a report given, I cannot disclose that because I’m barred,” sabi ni Medialdea na nagsabing hindi niti nakita kailanman ang ulat.
Kinuwestyon naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Danniel Manuel si dating Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde hinggil sa proseso sa pangangasiwa ng mga hinihinalang drug personalities na hindi boluntaryong sumuko.
“I have no knowledge of that, Mr. Chairman. Because as you have said, they did not surrender, so wala po kaming information,” sabi ni Albayalde.
