
Ni NOEL ABUEL
Mariing itinatanggi ni Senador Bong Go ang akusasyon ni dating Senador Antonio Trillanes IV na nakinabang sa mga transaksyon sa pamahalaan.
Ayon kay Go, lumang usapin na aniya ang ibinabatong bintang ni Trillanes at pawang haka-haka lamang ang mga ito.
“I have yet to see the verified complaint. But, since this is essentially the same accusation they hurled against me before, I categorically deny the allegations against me and former President Rodrigo Duterte,” sabi ng senador.
Nevertheless, I welcome these moves to finally put an end to these often-recycled issues against us. Mabuti nang silipin sa mga akusasyong ito, may irregularity ba talaga? May naging transaksyon ba na disadvantageous sa government? May nanakaw ba? At may linkages ba sa akin na nagsasabing nakinabang ako sa anumang transaksyong ito? COA can find out. And, if there is, it is for COA to file the necessary charges,” paliwanag pa nito.
Giit ni Go, may negosyo na ang pamilya nito kahit wala pa ito sa mundo at walang anumang bahid ng anomalya ang negosyo nito.
“For the record, wala pa ako sa mundong ito ay meron nang negosyo ang pamilya ko. Ang sinisigurado ko, hindi ako nakinabang at hindi nakinabang ang pamilya ko sa pagiging taong gobyerno ko. Kahit ipagtanong pa ninyo, ni hindi makalapit ang mga kamag-anak ko sa akin—kahit ang sarili kong tatay at half-brother—para ilakad ang anumang proyekto o kontrata sa gobyerno,” sabi nito.
Sinabi pa ni Go na simpleng probinsiyano lamang ito at katulad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, iniingatan ng mga ito ang kanilang pangalan.
“Ang sabi ko nga noon, hindi ako kailanman nakialam at never akong nag-impluwensya sa anumang transaksyon, kontrata o bidding ng gobyerno. Kapag may gumamit ng pangalan ko para makakuha ng pabor sa gobyerno, automatic dapat na i-deny ‘yan!” giit pa ni Go.
“Sa totoo lang, lumang tugtugin na ito. Taong 2018 pa ang akusasyon na iyan. Ni-recycle pa nila noong 2021. Pero wala pa rin siyang napatunayan. Ngayong papasok na naman ang halalan sa 2025, nag-iingay na naman siya upang mapag-usapan. Gusto lang nila kaming kulayan ng itim para sila ang pumuti. Tatapunan ka nila ng putik para magmukha kang marumi at sila ay magmistulang malinis,” paliwanag pa ng senador.
Aniya pa, naging tradisyon na ng iba ang manira tuwing nalalapit ang eleksyon at mistulang negosyo para kumita o makilala.
“Ang tanong, sino kaya ang iba pang nasa likod ng black ops niyang ito? Baka ang dapat na silipin ay ang mga nakapaligid sa kanya. Alam naman ng taumbayan na isang attack dog at tamad si Trillanes. ‘Yan ang totoong corruption! Hayaan na nating ang taumbayan ang humusga,” ayon pa kay Go.
Una nito, naghain ng kasong plunder sa Department of Justice (DOJ) laban kay Duterte at Go dahil sa umano’y P6.6 bilyong infra projects.
Kasong paglabag sa Republic Act No. 7080 (The Anti-Plunder Act), Republic Act No. 3019 (The Anti-Graft and Corrupt Practices Act), at Republic Act No. 6713 (The Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees) ang nilalaman ng reklamo.
Ayon sa reklamo, kapwa pinadali nina Duterte at Go ang mga katiwalian partikular ang paggawad ng mahigit isandaang kontrata ng gobyerno sa mga kumpanyang pag-aari ng ama at kapatid ni Bong Go na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P6.6 bilyon.
Kasamang nakapaloob sa reklamo ang: Mula 2007 hanggang 2018, ang CLTG Builders, na pag-aari ng ama ni Go na si Deciderio Go, na ginawaran umano ng kabuuang 125 kontrata ng gobyerno na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P4.9 bilyon.
Gayundin ang Alfrego Builders, na pag-aari ng kapatid ni Bong Go na si Alfredo Go, ay nakakuha umano ng kabuuang 59 na proyekto ng gobyerno na nagkakahalaga ng P1.74 bilyon.
