
Ni NOEL ABUEL
Kasunod ng pagkakaaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa siyam na Chinese nationals sa Pasay City na bumaba sa kanilang dredging vessels, hinimok ngayon ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party list Rep Erwin Tulfo ang Kongreso na pabilisin ang pagdinig sa mga reclamation projects sa Manila Bay.
Matatandaang naghain si Tulfo ng resolusyon noong nakaraang taon para imbestigahan ang Manila Bay reclamation dahil sa banta sa pambansang seguridad matapos malaman na lahat ng manggagawa sa Manila Bay reclamation projects ay mga Chinese nationals na bumaba sa kanilang mga barko at gumagala sa Metro Manila.
“Ito ‘yung sinasabi ko noon na bumababa ng barko nila ang mga manggagawa na Chinese at umiikot dito sa Metro Manila. Ang tanong ngayon, ano ang pakay nila para gumala sila sa Maynila gayong wala silang mga visa,” pag-uusisa pa ni Tulfo.
“The US Embassy was the first to express concern about the Manila Bay reclamation after they noted a Chinese company involved in the reclamation project,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ni Tulfo na ang China Communications Construction Co. (CCCC) na pag-aari ng China ang namamahala sa dredging at reclamation operations, dahil ito rin ang kumpanyang responsable sa pagtatayo ng air at naval bases sa mga teritoryong inaangkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay BI Intelligence Division (ID) chief Fortunato ‘Jun’ Manahan, Jr., nagsagawa ito ng surveillance at intelligence gathering matapos makatanggap ng mga ulat na may mga Chinese nationals na bumababa at sumasakay sa mga barko sa kahabaan ng Manila Bay.
Naaresto ang mga dayuhan na nakilalang sina Li Weilin, Liu Peng, Wang Yong, Huang Haibing, Gong Yuan Ju, Zhang Tao, Dai Guang Yuan, Li Jiang Yu, at Kang Tian De.
Noong Agosto 2023, si Tulfo kasama ang kanyang mga kasamahan mula sa ACT-CIS party list na sina Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, ay naghain ng House Resolution No. 1171, na humihiling sa House committees on national defense and security, ecology upang suriin ang mga reclamation projects na nakapaligid sa Maynila Bay.
“Kailangan na talaga nating tutukan itong seguridad ng ating bansa dahil nagkalat na ang mga ‘yan (Chinese) sa ating bansa,” ayon pa kay Tulfo.
