

Ni NOEL ABUEL
Pinagbibitiw ni Senador Win Gatchalian si Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi kasama ang 11 pang opisyal ng kagawaran na nag-apruba ng bentahan ng Chevron Malampaya at UC Malampaya.
Ayon sa senador, dapat papanagutin si Cusi at ang mga opisyal sa mga kasong kriminal at administratibo katulad ng graft, gross neglect of duty, at grave misconduct.
“Ako ay nanawagan kay Secretary Cusi at kanyang mga subordinates na magbitiw na sa pwesto sa lalong madaling panahon. Matapos ang lahat ng nangyari, hindi na kayo mapagkakatiwalaan pa ng sambayanang Pilipino dahil hindi kayo naging tapat sa pangangalaga ng kaisa-isang pinagkukunan ng bansa ng natural gas,” pagdidiin ni Gatchalian.
Sa kanyang privilege speech, ibinunyag ni Gatchalian ang mga paglabag sa batas ng mga opisyal ng DOE para lamang maaprubahan ang pagbebenta ng 45% participating interest sa Malampaya gas project ng Chevron Malampaya LLC Philippines, na kilala ngayon bilang UC 38 LLC, sa UC Malampaya – isang indirect subsidiary ng Udenna Corporation.
Sa umpisa ng pagsisiyasat ng Senado sa $565 milyon o higit sa P40 bilyong halaga ng kasunduan, sinabi ng mga opisyal ng DOE na kailangang aprubahan muna ng gobyerno ang nasabing transaksyon alinsunod sa probisyon ng Presidential Decree No. 87 at Department Circular 2007-04-0003.
Ngunit binawi nila ito kalaunan sa pagdinig ng senado noong huling bahagi ng nakaraang taon matapos isailalim ang UC Malampaya sa financial evaluation kung saan lumabas na may negatibong $137.2 milyon o negatibong P6.9 billion working capital ang kumpanya.
Ayon sa Senate Energy Committee chairman, dapat managot si Cusi at kanyang mga subordinates sa paglabag sa mga sumusunod: gross neglect of duty at grave misconduct sa pag-apruba ng transaksyon, at Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa pag-apruba ng paglipat ng 45% stake ng UC Malampaya sa Malampaya gas field, isang hindi kwalipikadong kumpanya.
“Sakaling mapatunayan silang nagkasala, maaari silang mapatalsik sa serbisyo, makulong ng hindi bababa sa anim na taon at isang buwan o hanggang 15 taon at panghabangbuhay na diskwalipikasyon na paninilbihan sa gobyerno,” ani Gatchalian.
Bunsod ng mga kaganapang nabanggit, sinabi ni Gatchalian na nararapat nang amyendahan para paigtingin ang PD 87 nang sa gayon ay matiyak na hindi na mauulit ang mga pagkakamali ng DOE at mga service contractor.
“Ang batas ay batas. Ang sinumang lalabag dito ay dapat panagutin. Nananawagan ako sa mga awtoridad na agad na magsampa ng mga kasong administratibo at kriminal laban kay Secretary Alfonso Cusi na nag-apruba sa Chevron-UC Malampaya at ibang opisyal ng DOE na sumuri ng naturang kasunduan,” giit ni Gatchalian.
Ang Malampaya ay pinakikinabangan ng mahigit apat at kalahating milyong tahanan at negosyo sa Mega Manila. Sa ilalim ng Meralco franchise area, anim sa sampung kostumer nito ay sinusuplayan ng Malampaya gas.
Umaabot sa 20 porsiyento ang ambag ng Malampaya sa power generation mix ng buong bansa.
