
Ni NOEL ABUEL
Suportado ni Senador Panfilo Lacson ang panukalang paggamit ng marijuana sa bansa ngunit ito ay tanging para sa medical purposes lamang.
Ito ang sinabi ni Lacson nang mausisa kung papayagan ba ng Lacson administration ang paggamit ng kontrobersyal na panukala sakaling mahalal ito sa pagka-pangulo ng bansa.
“Bukas ang aking isipan. Katunayan, supportive ako rito. Kung isasabatas ito, maganda ang maitulong nito sa kalusugan ng ating mamamayan,” sabi ni Lacson.
Ngunit nilinaw nito na hindi naman aniya nito papayagan na maging legal ang paggamit ng marijuana dahil sa nilalabag nito ang isinasaad ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
“I am open to legalizing the use of marijuana for medicinal purposes, not entertainment. And the proper processes must be followed,” ayon pa sa senador.
Samantala, sa usapin ng patuloy na pagtaas na presyo ng produktong petrolyo ay may nakikita umano si Lacson sa solusyon dito.
Inihalimbawa ni Lacson ang pagbisita sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law upang pansamantalang masuspende ang implementasyon ng dagdag excise tax sa langis base sa magiging rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
“Malaking bagay ang pag-suspend ng tax rate at binalik sa rate kung saan ang araw na na-suspend, hindi na aakyat. ‘Yan, isang magandang solusyon,” ani Lacson na nagsabing base sa presyo sa world oil ay umabot na ito sa $90 per barrel.
Isa pa sa nakikita umano nitong opsyon ay ang exploration sa energy sources sa ating exclusive economic zone sa West Philippine Sea sa tulong ng ibang bansa.
“Pag sila sumang-ayon sa ating Saligang Batas na joint endeavor at 60-40, ibig sabihin subliminally kinikilala nila na sa atin ang EEZ,” sabi pa nito.
