
NI NOEL ABUEL
Nagbabala ni Senador Joel Villanueva na posileng matanggalan ng recognition mula sa European Union (EU) ang mga Pilipinong seafarers kung ang sistema ng edukasyon, training, at sertipikasyon ng mga marino sa bansa ay hindi alinsunod sa pamantayan ng International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW).
Kasabay nito, nanawagan ang senador sa pamunuan ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa bantang “pagkalunod” ng sektor ng Pilipinong seafarers dahil sa audit findings ng European Maritime Safety Agency (EMSA), kasama na ang isyu tungkol sa estado ng maritime higher education sa bansa.
Base sa EMSA Outlook for 2020, nangunguna ang Pilipinas na non-EU na bansa na may pinakamaraming seafarer officers sa mga barkong Europeo, na may bilang na 30,615.
Maaari aniyang mawalan ng trabaho ang mga seafarers na ito kung matanggal ang pagkilala sa Philippine-issued STCW certificates.
“Malaki ang naging ambag ng ating mga seafarer sa ekonomiya ng bansa, lalo na nitong pandemya. Huwag nating pabayaang malunod ang sektor na ito. Panatilihin po nating world class ang Pilipinong seafarer sa pagsunod natin sa international standards,” sabi ni Villanueva.

Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang OFW cash remittances ng lahat ng sea-based OFWs sa taong 2021 ay $6.545 billion o humigit-kumulang Php335.42 billion.
Binigyan ng European Union ang MARINA ng March 10, 2022 na deadline para tugunan ang nakitang mga deficiencies lalo na sa paggamit ng mga simulators at on-board training nang magsagawa ng assessment o audit ang EMSA dito sa Pilipinas.
Sa gagawing tugon ng MARINA nakadepende ang magiging hatol ng European Commission kung kikilalanin pa rin ang mga certificate of competence ng mga Pilipinong seafarer na naglalayag sa mga European-flagged vessels.
“Kapag hindi po tayo maka-comply o magkaroon ng “negative assessment”, mananagot po ang MARINA sa libu-libo nating seafarer na nanganganib mawalan ng trabaho. Sana huwag na po umabot pa doon,” sabi ni Villanueva.
Unang na-audit ng EMSA ang Pilipinas noong 2006, kung saan natagpuang may mga non-compliant sa International Convention on STCW na maritime training institution sa bansa.
Ilang beses na rin na-audit ng EMSA ang Pilipinas sa mga taong 2010, 2012, 2013, 2014, at 2017. Ang pinakahuling audit ngayong taon ang magiging pinal na desisyon bago tanggalan recognition ng EU kung matagpuang non-compliant pa rin ang bansa sa STCW.
Samantala, nanawagan din si Villanueva sa Department of Foreign Affairs para sa patuloy na pagtutok sa mga Pilipinong seafarer na sakay sa mga barkong damay sa alitan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
