Vital witnesses ihaharap ng Senado sa e-sabong Senate hearing

Senador Ronald Dela Rosa

NI NOEL ABUEL

Maghaharap ng vital witness si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa  sa pagpapatuloy na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay ng pagdukot sa 31 sabungero na may kinalaman sa e-sabong.

Sinabi ni Dela Rosa, chairman ng nasabing komite na, umaasa itong makakahanap ng sariling testigo ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ihaharap sa pagdinig ngayong Marso 4.

Paliwanag ng senador, ang nag-iisang hawak nitong testigo ay kasama sa mga dinukot na sabungero ngunit nagawang makatakas sa kamay ng mga dumukot sa iba pang mga sabungero.

“Tinawagan sila (very vital witness) noong isang grupo na ‘sumibat na kayo, sumibat na kayo at na-hold kami dito.’ Noong sumibat na sila, ‘yung isang grupo, palabas sila doon sa compound ng arena, may na-hold pa na kasamahan doon sa pangalawang grupo. So mayroong nakasibat na miyembro ng grupo na ‘yun at ‘yun ngayon ang very vital witness natin sa kasong ito,” paliwanag ni Dela Rosa.

Idinagdag pa ni Dela Rosa na may iba pang resource persons ang inimbitahan sa pagdinig tulad ng mga guwardiya sa cockfighting arenas.

Kinumpirma rin nito na natanggap na ng Office of the President ang hard copy ng Senate resolution, na kahalintulad na ipinadala sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), na nananawagan na suspendehin ang operasyon ng e-sabong habang isinasagawa ang imbestigasyon sa pagkawala ng 31 indibiduwal.

“I told him about the resolution that is being prepared by the Senate and he said that ‘sige, sige, sige, sige.’ So, that means agreement or approval as far as I’m concerned,” Dela Rosa said.

Sa kasalukuyan, ang licensed operators ng e-sabong ay ang Belvedere Vista Corporation, Lucky 8 Star Quest, Inc., Visayas Cockers Club, Inc., Jade Entertainment and Gaming Technologies, Inc., Newin Cockers Alliance Gaming Corporation, Philippine Cockfighting International Inc., at Golden Buzzer, Inc.

“On the part of, sa Senado, we are hoping for their (Pagcor) swift and decisive action because, sabi ko nga, hihintayin pa ba natin na madagdagan na naman ‘yung numbers ng missing persons dito sa e-sabong kung magpapatuloy ‘yan? Mamaya mayroon na namang mangyari na tiyopean (game fixing) at magkakaroon na naman ng abduction,” ani Dela Rosa.

Leave a comment