
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa lahat ng itinalaga at itatalagang opisyal ng gobyerno na laging ilagay sa itaas ang kapakanan ng bansa at sambayanang Pilipino.
Sa isang ambush interview matapos personal na manguna sa serye ng relief operations para sa mga mahihirap na residente sa Davao City noong Agosto 5, sinabi ni Go na dapat na unahin ang kapakanan ng mahihirap ng mga opisyales ng pamahalaan.
Si Go, na naunang nahalal sa bagong tatag na Commission on Appointments (CA), sinabi nitong ikinararangal nito na maging bahagi ng Commission on Appointments.
“I am honored na maging bahagi ng Commission on Appointments at part po ito ng checks and balances ng ating gobyerno,” sabi nito.
Aniya, ang CA ay kailangan para sa mga paghirang ng mga pinuno ng executive departments, mga embahador, mga public minister at consul, mga opisyal ng sandatahang lakas mula sa ranggo ng koronel o kapitan ng hukbong-dagat, at iba pang mga opisyal na ang mga paghirang ay nakatalaga sa Pangulo ng Pilipinas sa ilalim ng Konstitusyon.
Gayundin ang appointments ng chairperson at commissioners ng constitutional commissions tulad ng Civil Service Commission (CSC), Commission on Elections, (Comelec) at Commission on Audit (COA), ng regular members ng Judicial and Bar Council.
“‘Yung mga naitalagang cabinet secretaries ay kailangan pong dumaan sa Commission on Appointments at iko-confirm po sila. ‘Yung mga qualified naman po na mga cabinet secretaries ay kailangang ikumpirma,” sabi ni Go.
“So ako naman po bilang representative ng Senado, titingnan nating mabuti and of course, alam ko naman ‘yung mga naitalagang cabinet secretaries ay most likely qualified naman po sila. So busisiin nating mabuti,” pagtitiyak pa nito.
Samantala, muling iginiit ni Go na pangunahing tungkulin ng mga opisyal ng gobyerno, mahalal man o itinalaga, ay paglingkuran ang sambayanang Pilipino, lalo na ang mga wala at walang maaasahan maliban sa gobyerno.
“Isa lang naman po ang pakiusap ko sa mga naitalagang cabinet secretaries at iba pang government officials, unahin n’yo po ang kapakanan ng mga kababayan nating mahihirap.Unahin po natin ang makakabuti sa serbisyo ng gobyerno at interes po ng mamamayang Pilipino. Ako po ay susuporta, lalung-lalo na po ‘pag uunahin n’yo po ang interes ng mga mahihirap,” paliwanag pa ni Go.
