
NI NOEL ABUEL
Dapat nang ipag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapatigil sa “pasa-buy” scheme sa mga government purchases kung nais nitong mabilis na maging maayos ang mga proyekto ng pamahalaan.
Ito ang apela ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto kay PBBM kasunod ng naging ulat ng Commission on Audit (COA) na nag-uugnay sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ang mga kuwestiyunableng transaksyon .
“Pagdating sa aberya sa procurement, dalawang ahensya ang laging starring sa COA reports. Itong PS-DBM at PITC,” sabi ni Recto na tinukoy ang Philippine International Trading Corp., ang ahensya na nasa ilalim ng Department of Trade of Industry (DTI).
Ang dalawang ahensya ng pamahalaan ang nagsisilbing purchasing arms sa pagbili ng mga kagamitan, at iba pa kasama na ang “planes, trains and automobiles.”
“There would have been no problem if the involvement of the two had led to faster procurement of quality goods at cheaper prices. But the opposite had happened,” giit nito.
Aniya, noong Agosto ng nakalipas na taon, ang PS-DBM at PITC ay pagkakautang sa kanilang kliyenteng ahensya ng pamahalan na nasa P63.1 bilyon na nahati sa dalawa ng hindi naihatid na kalakal, kagamitan, at imprastraktura.
“Read the COA reports and cry. Some of the equipment were supposed have been delivered five years before but were still in the bidding stage,” sabi ni Recto.
“Tulad ng sinabi ko doon sa Senado, hindi naman procurement expertise ang dahilan kung bakit sila napapasahan ng pondo. Ang totoong dahilan ay upang huwag abutan ng deadline at mapaso ang mga pondo ng mga ahenysa,” dagdag pa nito.
Sa oras na nailipat ng ahensya ang pondo sa partikular na proyekto sa PITC o sa PS-DBM, ang pondo ay kinokonsiderang ginastos na.
Ito naman ay lumilikha ng “expenditure fiction“ na ang mga pondo ay nagamit na kung sa katunayan ay hindi naman umano nangyari.
“This artificial spending inflates fund utilization,” aniya pa.