Tulong ng PGH kay EJ Obiena iniapela ng kongresista

NI NOEL ABUEL

Umapela ang isang kongresista sa Philippine General Hospital (PGH) na kunin ang serbisyo ng lahat ng health professionals na mayroong technical expertise at maging ang alumni based nito sa Europe na tumulong sa pagsasanay ni pole vaulter champion Ernest John Uy Obiena.

Sa inihaing House Resolution 123 ni Ang Probinsyano party list Rep. Alfred Delos Santos, inatasan nito ang Philippine Postal Corporation (Philpost) na maglabas ng disenyo at commemorative stamps para kilalanin ang naitalang kasaysayan ni Obiena.

“Obiena is already in great physical shape. Now, the challenge for him is to hone his mental fortitude on top of his physical condition,” sabi ni Delos Santos.

Hiniling din nito sa Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) at sa mental health specialists mula sa University of Santo Tomas (UST) at Chiang Kai Shek College na magbigay ng kinakailangang tulong at paghahanda ni Obiena sa Paris 2024 Olympics at sa World Athletics Championships sa Budapest sa 2023 at sa Tokyo sa 2025.

Nakasaad din sa HR 123 na pagkalooban ng Kamara si Obiena ng Congressional Medal of Distinction dahil sa pagkakapanalo ng bronze medal sa Men’s Pole Vault Final ng 2022 World Athletics Championships International Amateur Athletic Federation (IAAF).

Maliban dito, inatasan din ang PSC na bigyan ng cash incentives si Obiena sa lalong madaling panahon sa pinakamalapit na Philippine Embassy kung saan nagsasagawa ng pagsasanay ang una.

Nakasaad din sa HR 123 na bigyan ng kopya ng pagkilala si Obiena, at pamilya nito, ang kanyang alma maters na Chiang Kai Shek College at University of Santo Tomas gayundin ang National Archives of the Philippines.

Leave a comment