
NI NERIO AGUAS
Tinitiyak ng gobyerno ng Japan na magtutuluy-tuloy ang suporta nito sa Pilipinas sa ‘Build Better More’ sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr.
Ito ang sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel M. Bonoan matapos na mag-courtesy visit si Embassy of Japan in the Philippines Ambassador Kazuhiko Koshikawa para iparating ang nasabing tulong sa Pilipinas ng Japan.
“Hearing about all exciting new plans, I truly value the kind visit and grateful for the time spent despite busy schedule of the Japanese Ambassador,” sabi ni Bonoan, na kasama si Senior Undersecretary Emil K. Sadain nang tanggapin ang Japanese delegation sa DPWH Central Office noong nakalipas na Agosto 17, 2022.
Kabilang din sa dumalo sa pagpupulong sina Economic Minister Masahiro Nakata at Second Secretary Tomohiro Matsubara ng Embassy of Japan in the Philippines; Senior Representatives Kenji Kuronuma, Masanari Yanagiuchi, at Yo Ebisawa ng Japan International Cooperation Agency (JICA) Philippines Office; at Project Directors Ramon A. Arriola III at Benjamin A. Bautista ng DPWH Unified Project Management Office (UPMO) Clusters habang si JICA Chief Representative in the Philippines Takema Sakamoto ay dumalo sa pamamagitan ng virtual meeting.
Nabatid na ang Japan ang pinakamalaking donor ng Official Development Assistance (ODA) sa Pilipinas, kasama ang grants, loans at technical assistance simula pa noong 1966.
Ayon pa kay Sadain, ang Japanese government sa pamamagitan ng JICA ay sumuporta sa 13 DPWH big-ticket infrastructure projects kasama ang pagpapalawig ng 23-kilometer Arterial Road (Plaridel) Bypass Project Phase 3 sa lalawigan ng Bulacan sa ilalim ng JICA Loan Agreement (L/A) No. PH-P266.
Pagsasaayos ng 1,184-kilometro ng arterial national roads sa ilalim ng Road Upgrading and Preservation Project (RUPP) na pinondohan ng JICA L/A No. PH-P247; 30-kilometer Central Luzon Link Expressway (CLLEX) Project na mag-uugnay ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) sa Balingcanaway, Tarlac City na magtatapos sa Daang Maharlika Highway sa Cabanatuan City sa ilalim ng JICA L/A No. PH-P249; at konstruksyon ng 4 lane – 45.5-kilometer Davao City Bypass Construction Project sa ilalim ng JICA L/A Nos. PH-P261 at PH-P273;
Gayundin, ang Islamic City of Marawi ay nagbenepisyo ng 2 Billion Japanese yen o katumbas ng P970 million donation/grant para sa disenyo at pagsasaayos ng 18.97-kilometer Marawi Transcentral Road Phase 1 sa ilalim ng Programme for the Support to Rehabilitation and Reconstruction ng lungsod ng Marawi.