Pagpapalawig ng school-based feeding program sagot sa undernutrition ng mga mag-aaral – Sen. Angara

Senador Sonny Angara

NI NOEL ABUEL

Sa layuning matugunan ang undernutrition sa mga mag-aaral sa bansa, inihain ni Senador Sonny Angara ang isang panukala na palawigin ang saklaw ng School-Based Feeding Program (SBFP) upang maisama ang mga estudyante na nasa secondary schools.

Ayon kay Angara, ang kakulangan ng sapat na pagkain ang isa pa rin sa nangungunang problema sa karamihan sa mga kabataang  estudyante kung kaya’t dapat na itong masolusyunan upang maalis ang mga hadlang sa pag-unlad ng mga mag-aaral.

“Studies have consistently shown that hunger has a correlation to the ability of students to learn. This is on top of the still nagging issue of stunting among Filipino children, which is why we must constantly find ways to provide them with proper nutrition in all stages of development,” sabi ni Angara.

Nais nitong maamiyendahan ang Republic Act 11037 o ang Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act, na nagsimula sa national feeding program para sa mga batang kulang sa nutrisyon sa mga public day care, kindergarten at elementary schools.

Sa ilalim ng panukala ni Angara ibibilang na ng SBFP ang mga mag-aaral sa Grades 7 hanggang Grade 12 o junior at senior high school.

Ang SBFP ay nagbibigay sa lahat ng mag-aaral ng hindi bababa sa isang fortified meal sa loob ng  120 araw sa isang taon.

“Isinasama natin ang mga estudyante ng junior at senior high school sa SBFP dahil sila rin ay apektado ng kakulangan sa pagkain kung saan ang gutom ay nagiging hadlang sa kanilang pag-aaral. Nakakalungkot ang sitwasyon na ito na kadalasan ay hindi maiwasan dahil sa kahirapan,” paliwanag pa ni Angara.

Sa datos ng World Bank report, sa loob ng 30-taon ay wala umanong nakitang pagbabago sa usapin ng undernutrition sa Pilipinas.

Ang Pilipinas ay nasa panlima sa mga bansa sa East Asia and Pacific region na may pinakamataas na bilang ng undernutrition at pang-10 bansa sa mundo na may  pinakamataas na  bilang ng mga naggugutom na kabataan.

Leave a comment