
NI NOEL ABUEL
Pinaiimbestigahan ni Senador Win Gatchalian sa Senado ang paglobo ng mga kaso ng maagang pagbubuntis at mga kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) infections sa mga kabataan.
Sa inihain nitong Senate Resolution No. 13, binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagrepaso sa polisiya ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) at malaman kung epektibo ang pagpapatupad nito.
Aniya, maliban sa pagpigil sa pagdami ng mga kaso ng teenage pregnancy at HIV infections, mahalaga ang paggabay sa mga mag-aaral tungo sa kasarinlan at pagiging produktibong mga kasapi ng lipunan.
Sinabi pa nito na ayon sa United Nations Population Fund (UNFPA), ang maagang pagbubuntis ay dulot ng kawalan o kakulangan ng access sa impormasyon at reproductive health care at madalas na hindi nakakatapos ng high school ang mga kabataang nabuntis bago ang edad na labing-walo.
Pinuna ri ni Gatchalian na simula 2010, ang average share o bahagi ng mga teenage pregnancy sa kabuuang bilang ng mga pagbubuntis ay umakyat sa 28 porsyento na mula 2000-2009, ang naitalang bilang ay nasa 21.5 porsiyento.
Resulta rin aniya ng kawalan ng kaalaman ang paglobo ng mga kaso ng HIV, lalo na’t nagiging dulot ito ng pakikipagtalik ng walang contraceptives.
Mula 1984 hanggang Marso 2019, nasa 65,463 na ang mga kaso ng HIV, 31 porsyento rito ay mga kalalakihang may edad 15 hanggang 24 na nag-aaral pa.
Bagama’t nagpalabas na ang Department of Education ng Department Order (D.O.) No. 31 s. 2018 upang gabayan ang pagpapatupad ng CSE, pinuna ng UNFPA ang natagalang integration nito sa K to 12 curriculum.
Dagdag pa ng naturang ahensya, nasayang ang oportunidad na mabigyan ang mga kabataan ng life skills na gumawa ng wastong mga desisyon na may kinalaman sa kanilang kalusugan.
“Sa kabila ng pag-akyat ng bilang ng mga kaso ng maagang pagbubuntis at HIV infections sa bansa, nais nating tiyakin na magiging epektibo ang edukasyon upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng mga ito. Dapat itaguyod natin ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga kabataan upang maabot nila ang kanilang potensyal bilang mga kasapi ng ating lipunan,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.