
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan ang isang kongresista na ibaba ang binabayarang documentary stamp tax rate ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) upang mas maituon nito ang pondo para sa iba’t ibang serbisyong medikal at programa.
“Ang pagpapababa sa documentary stamp tax rate sa limang porsyento ay mag-aakyat ng malaking savings sa PCSO na kanila namang inilalaan para sa mas maraming medical assistance, ambulansya, gamot, kagamitang medikal, at budget para sa bayarin sa ospital ng mahihirap nating kababayan,” sabi ni Anakalusugan Rep. Ray Florence Reyes.
Sa isang pahayag noong nakaraang linggo sa Kamara, ipinahayag sa publiko ni PCSO Chairman Junie Cua sa House Appropriations Committee ang kanyang kahilingan para sa pagbabawas ng mga documentary tax payments dahil ang kasalukuyang rate ay nagbabawal sa charitable agency na maglaan ng karagdagang pondo para sa pagpapagamot at pagpapaospital ng mga mahihirap na Filipino.
Nauna nang ibinunyag ni Chairperson Cua na ang gastos ng PCSO para sa nasabing singil ay nagpababa sa budget ng government corporation para sa medical access program ng P7 bilyon
Hiniling din ni Cua sa Kongreso na babaan ang 5 porsiyentong buwis na maihahalintulad sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
Sa kasalukuyan ang PCSO ay nagpapataw ng 20 porsiyentong documentary stamp taxes.