
NI JOY MADELIENE
Nagluluksa ngayon ang bansang United Kingdom matapos makumpirma ng Royal Family na pumanaw na sa si Queen Elizabeth II, ang pinakamatagal na nanungkulan sa tungkulin at sa edad na 96-taong gulang.
Sa pahayag ng Buckingham Palace, mapayapang namaalam si Queen Elizabeth sa Balmoral sa Scotland at nakatakdang bumalik sa London ngayong araw.
“The Queen died peacefully at Balmoral this afternoon. The King and The Queen Consort will remain at Balmoral this evening and will return to London tomorrow,” sa inilabas na kalatas ng Buckingham Palace.
Dahil dito, ang pinakamatanda nitong anak na si Charles, 73-anyos ang awtomatikong magiging susunod na hari ng nasabing bansa.
“I know her loss will be deeply felt throughout the country, the Realms and the Commonwealth, and by countless people around the world,” sabi nito sa ulat ng Reuters.
Samantala, si William at Catherine ay magiging Duke at Duchess ng Cornwall at Cambridge.
Si Queen Elizabeth ang pinakamahabang monarch ng Britain sa loob ng higit sa pitong dekada kung saan taong 1952 nang maging Reyna ito matapos ang pagkamatay ng kanyang ama na si King George VI habang nasa tour sa Kenya kasama si Prince Philip.
Pormal naman itong kinoronahan noong 1953.
Nasaksihan ni Queen Elizabeth ang pagbangon ng UK mula sa giyera, pati na rin ang pagpasok nito hanggang sa pag-alis sa European Union.
Nakiramay naman agad ang mga pinuno ng ibang bansa kabilang sina US President Joe Biden, na kinilala si Queen Elizabeth bilang “more than a monarch” habang si French President Emmanuel Macron ay tinawag na kaibigan ng kanilang bansa.